Editoryal
Huwag kang pasaway!
Mga patakaran, panuntunan at alituntunin. Mga nagsisilbing batas sa ating paaralan na ginawa para magkaroon nang maayos at disiplinadong mga mag-aaral. Mga dapat sundin para sa maayos na ugnayan ng mga guro at mag-aaral.
Ngunit papaano kung ang mga simpleng batas na ito ay parang basurang itinatapon na lang ng mga estudyante? Ang isang maayos bang paaralan ay makakamtan? Iisang sagot lang ang nagsusumigaw, hindi.
Ano nga ba ang mararating ng mga estudyanteng hindi marunong sumunod sa mga alituntunin ng paaralan? Wala, sapagkat kung dito pa lamang sa loob ng ating ikalawang tahanan ay hindi na magawang sundin ang mga patakaran, ano pa kaya sa labas? Baka mauwi lang ito sa ating kapahamakan.
Sa mga pampublikong paaralan natin makikita ang mga nararapat na ayos ng mga estudyante dahil sa mga pampribadong paaralan ay tinatanggap kahit ano pa ang ayos ng mga estudyante, may kulay man ang buhok o ahit ang kilay.
Sa unang araw pa lang ng klase, ipinapaliwanag na sa mga mag-aaral ang mga patakaran ng paaralan. Sa una, ayos pa ang lahat ngunit paglipas ng ilang araw ay mapapansing ilan sa mga ito ang hindi na nakasunod sa mga rules and regulations ng paaralan.
Ilan sa mga patakaran ng paaralan na kadalasang sinusuway ay ang pag-aahit ng kilay, hindi tamang sukat ng unipormeng palda, hindi pagsusuot ng I.D. at kung anu-ano pa na tila mga simpleng batas ngunit hindi magawa.
May mga karampatang parusang naghihintay sa mga mahuhuling lumalabag sa mga alituntuning ito. Una na riyan ang warning, ikalawa ang pagtawag sa guardian o magulang at huli ang suspension o di naman kaya’y pag-kickout sa paaralan.
Nararapat na habang maaga pa ay maitanim sa puso ng bawat isa sa atin na ang mga simpleng batas na ito ay nabuo para sa kabutihan din natin. Hindi mahirap sumunod kung ating laging pakaiisipin na sa simpleng hindi pagsunod sa mga alituntuning ito, nakataya ay kinabukasan natin.
Malay Mo
Hazel Bonifacio
Tapusin na sana...
Kakulangan sa silid-aralan ang isa sa mga pangunahing suliranin ng ating paaralan noon at magpasahanggang ngayon.
Humigit kumulang na dalawang libo’t pitong daan tayong mga mag-aaral na pinipilit na pagkasyahin sa labindalawang klasrum.
At dahil dito, inaksyunan naman ito at tinugunan ng ating gobyerno sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga karagdagang silid-aralan.
Noong nakaraang taon, walong silid lamang ang ating ginagamit at napilitan tayong manghiram pa ng ilang silid sa elementary sapagkat itinatayo pa ang apat na klasrum handog ng DPWH.
Sa ngayon ay ginagamit na ito subalit ang naturang gusali ay hindi pa tapos ngunit ginamit na sapagkat kailangan. Sinabi naman ng contractor na nagtayo nito na pwede na itong gamitin kahit di pa tapos. Marami tuloy ang nagtatanong kung ano ang dahilan at hindi ito natapos?
Sinasabing iba raw ang magsasagawa ng finishing nito. Hindi ba mas maganda na iniwan nila itong tapos na kaysa naghihitay pa ng panibagong gagawa.
Oo nga’t magagamit ang gusaling ito, ngunit maari itong maging dahilan ng kapahamakan nating mga mag-aaral. May ilang bahagi ng gusali na tila lumilindol dahil sa hindi tiyak ang kalidad nito.
Sa ganitong sitwasyon, hindi maiaalis na kabahan ang mga guro at mag-aaral sa sa araw-araw nilang pagtuntong dito. At hindi rin maiaalis sa isipan ng mga guro, mag-aaral at mga magulang na pag-isipan kung anong dahilan at hindi ito natapos.
Isa lang naman ang gusto ng lahat, ang tapusin na ang building na ito bago pa may mga mapahamak na mga mag-aaral.
Malaki nga ang maitutulong ng building na ito subalit sana naman ay hindi na pinatakam lang ang paaralan. Sila ay tila nagbigay ng regalong wala ng balot o ribbon man lang.
Sana naman ngayong darating na pasko ang hiling naming mga mag-aaral at ng pamunuan ng paaralan ay matupad. Iyon ay ang tapusin na ang DPWH building.
Deretsahan
John Rey Castillo
Ano ba ‘yan?
Maraming nagbabago sa kapaligiran natin at sa dami ng pagbabagong ito...ang tanging masasabi ng karamihan sa ‘tin...”Ano ba ‘yan?”
**********
Sa alituntunin ng paaralan nakasaad na sa bawat unang araw ng buwan kailangang nakagupit ang buhok ng mga lalaki subalit marami pa rin ang hindi makasunod, eh, anong petsa na?
**********
Bahagi ng uniform ang ID. At sa kasalukuyan, halos lahat ay mayroon na ito. Ngunit marami pa rin ang incomplete uniform sa kadahilanang hindi nagsinusuot ang ID.
**********
Nagkalat sa loob ng paaralan ang mga basurahan ngunit marami pa ring basura sa paligid dahil yata sa nakapikit ang mga mag-aaral sa pagtatapon ng basura.
**********
Nagkaroon ng programang Adopt-a-School at ilan sa mga nag-adopt sa atin ay ang Manila Water at MMLDC.Inayos at pinaganda ang ating mga CR ngunit tila di marunong gumamit ng mga palikuran ang ilang mag-aaral.
**********
Pagpasok ng Global warming awareness sa kurikulum ng paaralan ang nagpanalo sa Ms Philippines sa Miss Earth ngunit may bumabatikos dahil dito sa Pilipinas ginawa ang kompitisyon.
**********
Bago na pangulo ng Amerika Si Barak Obama at tanggap ng kanyang katunggali na si John McCain ang kanyang pagkatalo, dito kaya sa Pilipinas mangyayari ang ganoon?
**********
Bumabagsak na ang ekonomiya ng Amerika pero kahit gan’un, patuloy pa rin ang pagdami ng mga Plipinong nangangarap na makarating dito.
**********
Pahirapan na naman sa paggawa ng dyaryo pero matapos maipamigay sa mga mag-aaral ginagawang pamaypay, sapin sa upuan o kaya nama’y hinahayaan na lang makinabang ang basurahan.
**********
Ano ba ‘yan? Maraming gusto ng pagbabago pero hindi ba dapat ito ay magsimula sa ating sarili?
Mapagmasid
Jessa Iwi Anecito
Rollback sa langis at pamasahe,
kulang pa
Bawasan pa.
Ito ang sigaw ng mga mamamayang labis naaapektuhan sa krisis sa langis. Matapos nga naman bumagsak ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay ilang ulit pa lamang itong nagbababa ng presyo.
Ngunit ayon sa mga nagsusuplay ng langis dito sa ating bansa, hindi lang naman ang pagbaba ng presyo sa World Market ang maaaring maging batayan nang kung gaano kalaki ang ibabawas na presyo kundi maging kalagayang ng piso sa palitan nito kontra dolyar.
Inaasahan ng mga mamimili na malaki rin ang mababawas sa pamasahe sa mga pampasaherong jeep at bus kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng langis.
Sa kasalukuyan, inumpisahan na ito ng pagbabawas ng 50 sentimo sa mga pampublikong jeep at ordinary bus at P1 sa mga aircon bus.
Umaasam din ang mga mamimili na mabawasan ang presyo ng ilang mga produkto tulad ng mga de lata dahil sa pagbaba ng presyo ng langis.
Ngunit ayon sa mga manufacturer, hindi lang naman langis ang pinagkakagastusan ng mga manufacturer na ito. May mas malaki pang bahagi ang mga lata na ginagamit sa paggawa ng mga produktong de lata at pati na rin ang mga imported na sangkap ng mga produktong ito.
Magkagayunpaman, marami pa ring mga drayber at pasahero ang natutuwa sa kahit paunti-unting bawas na nangyayari sa presyo ng langis at pamasahe. Mas mabuti na raw ito kaysa sa wala.
Marami rin namang mga pasahero ang natuwa ngunit may mga hirit pa na sana’y madagdagan pa ang pagro-rollback ng pamasahe lalo na sa panahong ito.
Kabilang tayong mga mag-aaral, na naapektuhan din nito. Isa rin tayo sa mga pasaherong nagbabayad at sa hirap ng buhay ngayon ang 50 sentimos na kabawasan sa pasahe ay maaari na nating ipunin hanggang sa maging ang 50 sentimos na ito ay mabuo muling salaping pambayad sa serbisyong ibinibigay ng mga sasakyan.
Payag ka ba na umabot hanggang 5th year
ang hayskul? Bakit?
Oo, kasi Pilipinas na lang hindi ang nagpapatupad ng 10 years sa BEC at kapag napatupad ang 5th year, mas lalong mahuhubog at magiging handa ang mga estudyante sa pagtuntong ng kolehiyo.
Gem Kenneth Oliva, IV-1
Hindi, kasi sayang sa panahon at saying sa oras. Saka, dapat matagal na nila ipinatupad ‘yan, hindi ngayon.
Jessa Mae Paulo, III-1
Hindi, kasi madadagdagan pa ang aming gastusin sa pag-aaral.
Ana Marie Baylon, I-1
Depende. Kung kaya ng bata bakit hindi.
Josie, magulang
Hindi. It is not the length of time, it is the quality of time.
Mr. Nelson Raro, Guro
No comments:
Post a Comment