Editoryal
‘Pinas, hindi ligtas sa krisis
Global financial crisis.
Pangunahing suliraning kinakaharap sa ngayon ng buong mundo. Krisis na nag-ugat sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansang Amerika.
Sa pangyayaring ito, damay ang Pilipinas sa krisis na ito na siyang nagpapasakit sa ulo ng iilan. Ang mga katagang, ‘lagnat ng Amerika, trangkaso ng bansa’, ang isa pang nagpapaisip sa mga Pilipino sa mga posibleng epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Sinasabing ang pangunahing maaapektuhan nito sa ating bansa ay ang mga kababayan nating OFW sapagkat isa sila sa may malaking pera na inaambag sa bansa at inaasahan na sa taong ito ay tataas pa. Ngunit sa krisis, bababa ang maipapasok nilang remittances sa bansa.
Isa sa mga dahilan ay ang posibilidad na pagsasara ng kanilang pinaglilingkurang kompanya sa oras na maapektuhan ito ng krisis, lalo na ang mga nasa financial sector.
Halos dalawang milyong mga Pinoy ang namamasukan sa Amerika at sa oras na mapauwi sila ng ‘Pinas ay mapapabilang na sila sa mga walang trabaho na isa rin sa mga problemang kinakaharap sa loob ng bansa.
Saan kaya pupulutin ang ating bansa kung hindi masusulusyunan ang krisis na ito? Maghihintay na lang ba tayo ng gamot o tayo ang maghahanap ng lunas?
Hindi ba’t maaari tayong tumayo sa ating sariling mga paa na hindi na kailangang maghintay pa ng tulong kung kanino man.
Sa mga nagaganap na pagbabago ng ating kapaligiran sa ating bansa nakatitiyak tayong hindi tayo ligtas sa mga krisis na ito. Mararamdaman natin ito, hindi man biglaan maaaring paunti-unti at wala man sa atin ang maaaring magkibit balikat kung magpapatuloy pa ang paglawak ng problema.
Sa pagkakataong ito, dapat tayong kumilos. Maghanap ng solusyon, lutasin ang problema. Hindi lamang gobyerno ang kinakailangang makaisip ng paraan kundi pati na rin mamamayan.
Gayundin, nararapat lamang na maging bukas ang mga kabataan sa mga ganitong usapin upang maging handa sila sa pagsuong sa problema ng bansa at ng kanyang pamilya lalo na kung ang mga magulang nila ay nasa ibang bansa.
Maaaring dumating ang panahon na ang mga kabataan ngayon ang makahanap ng solusyon sapagkat mahilig silang magdiskubre ng mga bago, umisip ng mga paraan para sa kanilang sarili.
Maaari ngang hindi tayo ligtas sa krisis na kinakaharap ng mundo ngunit maaari pa rin tayong makaisip ng mga solusyon o kaya’y alternatibong paraan ukol dito.
Hindi pa naman lugmok ang bansa natin ibig sabihin lamang nito ay may pag-asa pa tayo. Maliligtas pa rin tayo kung pipilitin nating iligtas ang ating mga sarili.
Sapul
Garri Kim Vallega
Pa’no na si Manong?
Isa sa mga importanteng tao sa loob ng paaralan ang gwardya. Sila ang nagpapanatili ng katahimikan at kaayusan. Isa rin sila sa mga nagpapaalala kung ano ang disiplina.
Sa ating paaralan, si Mang Carlos Bulanon o mas kilalang Manong Guard at si Bonifacio Cesar o Mang Boni ang ating kinikilalang mga gwardya. Si Manong Guard ang nangangasiwa sa umaga at si Mang Boni naman sa gabi.
Hindi madali ang bantayan ang dalawang libo’t mahigit na mag-aaral gayundin ang buong paaralan lalo na sa gabi subalit tila hindi ito binibigyang halaga ng mga mag-aaral.
Isa sa mga tungkulin nila ang manaway ng mga mag-aaral lalo na ang hindi nakakasunod sa alituntunin ng paaralan at tayong mga mag-aaral ay dapat na sumunod.
Ang mga gwardyang ito ay sumasahod sa pamamagitan ng pagbabayad ng mga mag-aaral ng Guard Fee. Subalit nangangamba ang paaralan na baka mahinto ang pagsisilbi ng ating mga gwardya kung maraming mag-aaral ang hindi magbabayad at magwawalang kibo.
Unang-una katanungan dapat sagutin, hindi na ba natin kailangan ng gwardya? Okay lang ba, na wala nang mangalaga sa kagamitan ng paaralan? Kung tutuusin, hindi lamang nagbabantay sina Manong Guard, kung minsan sila rin ang naglilinis ng mga ikinalat na basura ng ilang walang pakialam na mag-aaral. Kung kaya’t kung sila’y mawawala ay paano na ang ating paaralan.
Isa sa mga DepEd Authorized Contribution ang guard fee kung kaya’t marapat lamang na ito ay ating bayaran kapalit ng ating kaligtasan sa loob ng paaralan. Ang perang nasisingil sa guard fee ang pinagkukuhaan ng suswelduhin ng ating guard.
Ang paniningil ng guard fee sa ating paaralan ay pinangangasiwaan ng ating GPTA officer. Ayon sa kanila, may mga nagbabayad subalit marami pa rin ang hindi nakapagbabayad dahilan upang hindi sila makasahod.
Sa ngayon, halos dalawang buwan nang hindi sumasahod ng ating mga gwardya ngunit sila ay patuloy pa ring nagbibigay ng kanilang serbisyo. Sa mga pangyayaring ito, bilang pagpalubag loob, nagbigay pansamantala suporta ang paaralan sa kanila subalit hindi ito sapat.
Sa pangyayaring ito, paano na kaya sila Manong? At ano naman kaya ang naghihintay sa ating paaralan kung mawawalan ng gwardya? Hindi lamang ito problema ng mag-aaral, problema din ito ng mga magulang. Magiging payapa kaya ang kanilang isipan kung malalaman nilang ang kanilang anak ay papasok sa paaralang walang gwardya?
Bukang Liwayway
Stella May Leona
Langis sa Palawan isang bagong pag-asa
Kamakailan umugong ang balitang may natagpuang oil deposit sa Palawan na ikinatuwa ng maraming Pilipino.
Ang Palawan ay kilala sa magaganda nitong bakasyunan at tunay na sagana sa likas na yaman na ngayon ay lalong nakikilala dahil sa natagpuan deposito ng langis.
Isa sa mga pinakapangunahing suliranin ng bansa ang langis ngayon sapagkat patuloy ang pagtaas ng presyo at napipintong pagkaubos nito. Alam naman nating ang langis ay isang yamang mineral na hindi napapalitan.
Ang pagkatuklas sa langis o light crude oil sa Galoc oilfield sa Palawan ay isang magandang pangitain na may bagong pagkukunan ng suplay ng langis.
Ngunit ayon kay Vince Perez, dating kalihim ng Department of Energy, hindi nito mababawasan ang suliranin sa presyo ng langis. Maaari lang mabawasan ang problema sa langis kung ipagbibili ito direkta sa mga Philippine oil firms.
Kikita naman ng malaki ang ating bansa kung ibebenta ito sa ibang mga oil firms sa labas ng bansa dahil tatanggap ang pamahalaan ng 60 porsyento mula sa net income na makukuha sa royalty payments.
Sinasabing sa 20 libong bariles na kikitain kada araw na mailalabas ng oilfield na ito mas malaki ang makukuha ng Plipinas kung ito ay maipagbibili sa ibang bansa.
Ito rin kaya ang dahilan kung bakit mas pinipili ng mga imbentor na ipagbili ang kanilang mga naiimbento sa ibang bansa? Mas malaki nga kaya ang kanilang kikitain kung ibang bansa ang kanilang lalapitan?
Kung ating susuriin, tila may pagkukulang ang ating pamahalaan sa mga usaping tulad nito. Ang mga bagay na dapat sana ay tayo ang unang makinabang ay pinagkakakitaan ng malaki ng ibang bansa at tayong mga Pilipino ay tila namamalimos sa mga ito.
Hindi ba tila isang sampal sa ating mga Pilipino na ang mga bagay na galing sa atin ay pinakikinabangan muna ng iba saka ibinabalik sa atin na may tatak gawa sa kanila.
Ano naman kaya ang magiging dating nito sa tulad naming mga kabataan? Mas iisipin kaya naming tumingin sa kanluran sapagkat nandoon ang liwanag?
Hindi ba dapat na maitanim sa aming isipan na dapat muna naming unahin ang aming sariling bansa kaysa iba? Subalit paano kung ang mga balitang tulad nito ang magdudulot sa amin ng kalituhan at baluktot na kaisipan.
Maaari ngang may punto ang pamahalaan subalit kaya kayang unawain ng aming isipan ang nais nilang ipabatid?
Liham sa Patnugot
Sa lahat ng kabahagi ng ‘Umalahokan’,
Isang mayabong na araw sa inyong lahat!
Nais kong iparating sa inyong lahat ang aking pagbati sa inyong naging tagumpay sa paglahok sa DSPC.
Lubos po akong nagpapasalamat sa mga impormasyong tungkol sa ating paaralan na inyong naipararating sa aming mga kapwa ninyong estudyante. Isa itong malaking tulong sa amin sapagkat nagkakaroon kami ng sapat na kaalaman tungkol sa mga pagbabagong nangyayari.
Nagsisilbing instrumento ito ng panghihikayat sa amin na mag-aral kaming mabuti dahil sa mga mag-aaral na tumatayong modelo na inyong ibinabalita. Nawa’y maipagpatuloy niyo ang inyong makabuluhang gawain.
Lubos na gumagalang,
Jean Carla Junio, IV-2
Jean Carla,
Bago ang lahat, nais kong magpasalamat sa iyong liham.
Pangalawa salamat sa iyong pagpupuri. Isang sinumpaang gawain ang pagbabalita sa inyong lahat. Mabigat man, kailangan naming gawin ito para maihatid ang mga balitang magiging kapakipakinabang, hindi lamang sa mga mag-aaral, kundi pati na rin sa mga guro.
Tungkulin din naming ibigay ang katayuan ng paaralan ng Mambugan sa mga isyu. Sa pamamagitan nito, nabibigyang boses namin ang inyong mga karapatan.
Sa lahat ng iyan, ipinapangako ng Umalohokan na paiigtingin pa ang kapasidad na makapagbigay kaalaman, para sa kapakinabangan ng bawat isa.
Lubos na nagpapasalamat,
Patnugot
ReplyDeleteStrikingly
imdb
TrendMiner
FateBookr
Blurb
Sebangsa
Jack Tucker