Makukulay na bahagi ng cultural show. |
‘Lipad, Antipolo, Lipad’- Laserna
“Lipad Antipolo,Lipad”. Ito ang mga katagang sinabi ni Dr. Corazon Laserna guro ng palatuntunan sa natapos na cultural show na ginanap sa Ynares Center, Agosto 22.
Pinamagatang ‘Kalahating Dekada ng Paglilingkod, Isang Pasasalamat ‘ ang naturang Cultural Show ng Dibisyon ng Antipolo City na ang layunin ay makalikom ng pondong magagamit sa proyektong EXPECT o Excellent Performer’s Competition.
Itinanghal sa cultural show iba’t ibang katutubong sayaw ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Antipolo.
Ilan sa mga ipinakita ay ang ‘Tinikling’, ‘Maglalatik’ at ‘Itik-itik’. Mayroon ding mga sayaw interpretasyon tulad ng ‘Agila’ awitin ni Joey Ayala.
Isa sa mga nagbigay buhay sa naturang palabas ay ang pagsayaw ng mga punongguro sa elementarya ng ‘Waray,Waray’ at pag-awit ng dalawang punongguro ng sekondarya na sina G. Reynaldo Agustin, G. Rommel Beltran at si G. Jonathan Ramos na isang guro. Tinaguriang “Tres Mosquiteros” inawit nila ang ‘Totoy Bibo’, ’Itaktak mo’ at ‘DooBidoo’.
Dumalo ang pamunuang panlungsod sa pangunguna ni Gov. Jun Ynares, Cong. Angelito Gatlabayan, Cong. Robbie Puno, Mayor Victor Sumulong bilang suporta sa hangarin ng Kagawaran ng Edukasyon sa Lungsod ng Antipolo.
Naging punong abala sa palabas na ito si G. Reynaldo M. Andrade Jr., Pansangay na Tagamasid sa Filipino. (Hazel Bonifacio)
‘Adel’s Burger Stand,’ pumangalawa sa STEP
Pumangalawa ang Adel’s Burger Stand sa naganap na Division Step Skills sa San Jose National High School Okt.9.
Pinangunahan sina Jerry Ric Duero (III-1) at Gaylord Miguel (III-1) ng kanilang tagapagsanay na si G. Arnel Espina.
“Mahirap pala ang gumawa ng Food Stall. Apat na Oras naming pinaghirapan at pinagtulungang tapusin iyon.” wika ni Miguel.
“Masarap din sa pakiramadam ang manalo kahit na pangalawang puwesto lang at siyempre hindi naming makakamit ang ikalawang puwesto kung hindi dahil sa aming coach na si G. Espina,” dagdag pa ni Miguel.
Ayon pa sa kanila, kaya Adel ang naging pangalan ng kanilang ginawa sapagkat naging inspirasyon nila si Dr. Adelina M. Cruzada, punongguro dahil sa pagiging masipag at matiyaga nito.
Mula sa pagbubuo at pagdidikit ng pattern hanggang sa pagpipintura matiyaga nila itong pinagtulungan. Naging maingat din sila sa pagtatayo ng Food Stall.
Maliban dito,sila rin ang naunang natapos sa paggawa ng Food Stall. Dumaan din sila sa masusing “oral defense” sa harap ng mga hurado.
Ang paksa ng kompetisyon ay “A Step Higher: Upgrading Skills, Improving Lives.” kung saan iba’t ibang paligsahan ang pinaglabanan tulad ng Techno Quiz, Dish Gardening, Industrial Quiz Bee, Agricultural Quiz Bee, Project Proposal, curtain trimming, cake decorating at Food Stall.
Lumahok ang Mambugan sa piling paligsahan lamang Dish Gardening, Food Stall, Project Proposal at Techno Quiz.
Nagkamit sila Duero at Miguel ng sertipikasyon ng pagkapanalo. Marami ring dumalo sa kompetisyon mga mag-aaral na nagmula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa sekondarya.
Ikinatuwa ito ng kanilang coach na si G. Espina. Wika nya “masaya ako para sa kanila ng pagsusumikap at pagtitiyaga ng mga bata,nagbunga ang kanilang paghihirap.” (Hazel Bonfacio)
Computer room, muling binuksan
Muling nagbukas ang computer room ng Mambugan National High School (MNHS) sa tulong ng Gilas Foundation at ng ilang guro, Set. 2.
Isinagawa ito para matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga estudyante at ng paaralan.
Layunin nito na mabigyan ng sapat na mapagkukunan ng impormasyon at detalye ang mga estudyante, at magamit ng paaralan sa mga aktibidad at programa na gaganapin.
Matatandaan na nagsara ito noong nakaraang taon sanhi ng paglipat nito sa ibang silid. Ayon pa kay Gng. Mary Grace Morales, English Teacher at incharge sa computer room, isa pang tinuturong dahilan ay ang kakulangan sa power supply.
Dagdag pa ni Gng. Morales, ang mga computer na ito ay handog dati ng mayor natin ngayon na si Hon. Victor Sumulong. Ayon pa sa kanya, meron ngayong dalawang units na gumagana at 5 units na hindi na nagagamit.
Itinakda lamang ang oras ng pagbubukas ng computer room mula 8:00-5:00 ng hapon sa araw lamang ng Lunes-Biyernes. Samantala sa mga CAT at Unang Taon naman ang nagbabantay at naglilinis nito.
Taas: Ikinatuwa ng mga mag-aaral ang pagbubukas computer room. Baba: Abot-tengang ngiti ang nasilayan sa mga guro sa espeyal nilang araw. |
Binubuo ngayon ng isang munting silid-aklatan ang computer room para sa lahat ng mahilig magbasa. Sa kabilang bahagi naman ay isang klinika para sa mga nasugatan at may karamdaman.
Ipinagbabawal naman sa lahat ng mga estudyante ang paggamit ng computer hangga’t sila ay may klase. Makakapasok lamang ang mga ito kapag sila ay humingi ng pahintulot sa nagbabantay at kung sila’y magsasaliksik. (Alex Zaragoza)
Cruzada, nagbigay pagpapahalaga sa mga guro
Makalipas ang limang taon, muling naramdaman ng mga guro ng Mambugan National High School ang kanilang halaga sa pagdiriwang ng araw ng mga guro, Okt.20.
Isinagawa ang programa upang mapasalamatan ang lahat ng mga guro na naglingkod at nagturo ng buong puso. Kasabay nito’y upang maipakilala rin ng lubos ang mga guro at maipamalas ang kanilang tunay na kagalingan.
Matatandaan na limang taon na ang nakalilipas nang muling magkaroon ng araw ang mga guro sa paaralan. Ayon kay G. Steve Casauay, OIC at Science Teacher, isa itong malaking kasiyahan, hindi lamang sa kanya kundi sa kapwa rin niyang mga guro.
Pinasimulan ang programa sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga SSG at Interact Officers. Pinamahalaan naman nina Garri Kim Vallega (SSG V-Pres.) at Jennefer Fuentes (IAC-Pres.) ang kabuuan ng programa.
Malakas at maingay na sigawan ang pumuno sa covered court at nagpatingkad ng programa. Lalo na ang pagkanta ng ilang mga guro at pagpapakilala sa kanila isa-isa na may kaniya-kaniyang tagasuporta.
Nagpamalas din ng talento ang ilang estudyante sa gitna ng programa. Nagkaroon din ng ‘Dear Ate Charo’ ang programa na kung saan ay binabasa ang mga sulat ng mga mag-aaral sa sinulatang guro at nagkaroon din ng mga simpleng palaro ang programa.
Pagbibigay ng mga regalo sa mga guro ang naging hudyat ng pagtatapos ng programa. Bitbit ng lahat ang masayang karanasan at umaasang muli itong ganapin sa susunod na taon. (Alex Zaragoza)
Araw ng Kalayaan Watawat pinahalagahan
Maikling pagsasadula at seremonya ang isinagawa ng mga SSG Officers para sa tamang pagsinop ng lumang watawat kasabay ng pagdiriwang ng ika-110 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, Hunyo 12.
Nagbigay ng kanyang pambungad na pananalita si Dr. Adelina Cruzada, punongguro ng paaralan na ibinigay ang kahalagahan ng nasabing seremonya.
Layunin nitong maiparating sa mga mag-aaral na kahit luma na ang watawat ng Pilipinas ay hindi ito dapat na basta-basta lang itinatapon o sinusunog. Ibinigay ang maikling kasaysayan ng watawat ng Pilipinas at maging ang Flag Code na kung saan nakapaloob ang tamang mga gawain sa pagsinop at pagsusunog nito.
Pagpapahalaga sa watawat, isinadula. |
Nagkaroon ng pagsasadula sa mga pagsasagawa, mula sa tamang pagtupi ng watawat hanggang sa pagdala ni Inang Bayan sa isang hukay na siyang magsisilbing libingan nito. Kinailangan muna itong sunugin sa isang banga hanggang maging abo na siya namang ilalagay sa hukay at tatabunan.
Sa huling bahagi ng seremonya, inawit ng mga mag-aaral ang mga awiting ‘Ang Bayan Ko’ at ‘Pilipinas kong Mahal’ na nagsilbing pagninilay-nilay sa isinagawang seremonyas.
Ito ay laging ginagawa ng iba’t ibang paaralan tuwing sumasapit ang National Flags day bilang paggalang at pagpapahalaga sa watawat kahit ito ay luma na. (Margerie Lasic)
No comments:
Post a Comment