Duran, pumang-anim sa tagisan ng talino
Nakuha ni Ma. Theresa Duran, ang pang-anim na pwesto sa Tagisan ng Talino na isinagawa sa San Jose National High School, Set. 2.
Ang nasabing Tagisan ng Talino ay dinaluhan ng 17 paaralan sa lungsod ng Antipolo na may kabuuang kalahok na 68 mag-aaral na mula sa unang taon hanggang ikaapat na taon.
Ito ay nahati sa tatlong kategorya, una ang Quiz Bee na kung saan ay pipili ng 15 mag-aaral na nakakuha ng matataas na iskor.
Pangalawa ang Pagsulat ng Sanaysay na siya namang paglalabanan ng napiling 15 kalahok na hahantong sa walong mag-aaral na magpapakitang galing sa Dagliang Talumpatian.
“Wika mo, Wikang Filipino, Wika ng Buong Mundo, Mahalaga”, ang naging paksa ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.
Mapalad na nakasama si Duran top 15 kung saan sasabak sila sa pagsulat ng sanaysay tungkol sa paksa.
“Napaghandaan ko ang pagsulat ng sanaysay ngunit kinakabahan ako sa pagtatalumpati kasi nabubulol ako.” wika ni Duran matapos matawag sa walong matitira upang maglaban sa Dagliang talumpatian.
Sa 68 mag-aaral na kalahok ay mapalad na nasungkit ni Duran ang ikaanim na puwesto na tumanggap ng consolation prize at sertipiko. Hindi magiging posible ito kung wala ang kanyang gurong tagapagsanay na si Gng. Gemma Mancilla.
Sina Maechelei Subiera (I-1), Aileen Namalata (II-1) at Elizabeth Mae Duran (III-1) ang iba pang naging kinatawan ng paaralan para sa nasabing Tagisan ng Talino katuwang ang mga guro sa Filipino sa pangunguna ni Gng. Marvilyn Mixto, Tagapangulo, Gng. Aida Carambas, Gng. Naty Cruz, Gng. Tess Galvez at Bb. Acallar. (Stella May Leona & Mark Lester Lim)
Kaalaman sa droga, tinalakay
Tinalakay sa Anti-Drug Symposium ang epekto ng droga sa kabataan, Okt. 15.
Ito ay proyekto ng Interact Club ng Mambugan National High School sa tulong ng Rotary Club of Rizal Centro at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Layon ng proyektong ito na ipabatid hindi lamang sa mga mag-aaral kundi pati na rin sa mga magulang ang masamang dulot ng ipinagbabawal na gamot.
Naging panauhing pandangal naman ng nasabing programa si G. Alex Magno (Pangalawang Pangulo ng RCRC) at G. Albert Untalan (Service and Project Director).
Nagbigay silang pareho ng kanilang mga pananalita na iisa lamang ang layon. Iyon ay ang makatulong sa pag-unlad ng Mambugan National High School.
Inimbitahan naman sa programang ito ang kinatawan ng PDEA na si Gng. Angelica Adaliga. Kanyang tinalakay ang mga isyu na kinasasangkutan ng ipinagbabawal na droga.
Tinalakay rin dito ang pinagmulan ng droga at kung anu-anong pang klase ng gamot na nakakasira sa tao.
Nagbigay pa ng mga halimbawa si Gng. Adaliga ng mga sikat na taong nasangkot sa paggamit ng droga.
Dagdag pa niya, hindi lamang ang paggamit ng droga ang makasisira sa isang tao.Binanggit niya ang paninigarilyo at pag-inom ng alak bilang isa sa mga mapanganib na bisyo na maaaring ikamatay ng tao.
Sinabi niya rin ang mga karampatang parusa na maaaring ipataw sa sinumang lumabag sa batas ng paggamit ng droga na nakasaad sa Dangerous Drug Acts of 2002 o R.A. 6425.
Matapos ang kanyang panayam, nagpaunlak siya ng Open Forum para sa mga mag-aaral at magulang na may katanungan.
Nagkatuwaan naman ang lahat sa ibinigay na pa-premyo ng mga Rotarians sa pamamagitan ng mga tanong na may kinalaman sa itinuro ni Gng. Adaliga. Nanalo ang mga estudyanteng nakasagot ng mga katanungan.
Bago pa man nangyari ang lahat ng ito sinalubong ni G. Esteban Casauay(OIC) ang mga panauhin sa Programa.
Nagbigay naman ang mga piling mag-aaral sa ikatlong taon ng isang sayaw na may interpresyon sa awit na “Nilamon ng Sistema,” na tumatalakay sa iba’t ibang problema ng lipunan partikular na ang droga.
Naging guro ng palatuntunan sina Jennefer Fuentes(Presidente ng IAC) at Garri Kim Vallega (Bise-Presidente ng IAC).
Katuwang ng IAC si Gng. Liwayway Dawn de Real (Tagapayo ng IAC) sa pag-hahanda ng programa. (Jheraldine Barimbao)
Tulong Barya para sa Eskwela ‘Campaign’, inilunsad
‘Tulong Barya para sa Eskwela’ ang bagong inilunsad na kampanya ng Kagawaran ng Edukasyon na pinagtuunan ng pansin ng paaralan, Agosto 4.
Ang Tulong Barya para sa Eskwela ay Campaign No. 47 ng DepEd na naglalayon na panatilihin ang sirkulasyon ng barya sa ekonomiya.
Ipinabatid sa mga mag-aaral ang mga dahilan kung bakit nagkaroon ng kampanya ukol dito. Bilang pakikiisa sa gawaing ito ang bawat taon at pangkat ay magkakaroon ng ‘coin bank’ na siyang pag-iimpukan ng mga makokolektang barya.
Sa coin bank na ito, maaaring maghulog ng iba’t ibang halaga mula sa limang sentimo hanggang sampung piso.
Ang paaralang maka-kokolekta ng pinaka-maraming barya ang maka-tatanggap nang
nakalaang premyo o gantimpala.
Ayon kay Gng. Liwayway Dawn De Real Tagapayo ng Supreme Student Government, “ang bawat baryang makokolekta ay mapupunta sa pondo ng paaralan at pandagdag sa mga proyekto ng paaralan.’
“Ito ay nasa pangangalaga ng mga SSG officer at ako lamang ang sumusubaybay.” dagdag pa niya.
Ito ay matatapos bago magbakasyon sa Disyembre. Lahat ng maiipong pera ay ilalagay sa banko na nakapangalan sa SSG. Magkakaroon ng panapos na palatuntunan sa pagtatapos ng kampanyang ito.
Ang pamunuan ng SSG at si Gng. De Real ang nanguna sa programang ito. Binigyang suporta naman ito ni Dr. Adelina M. Cruzada, Punongguro. (Stella May Leona)
Anecito, Leona nanguna sa SPC
Nanguna sina Jessa Iwi Anecito at Stella May Leona sa School Press Conference na ginanap sa Mambugan National High School, Set. 20-21.
Nakuha ni Anecito, ang unang pwesto sa pagsulat sa Lathalain, pumangalawa sa pagsulat ng Editoryal at pangatlo sa pagsulat ng balita at isports.
Samantala naiuwi naman ni Leona ang unang pwesto sa pagsulat ng Editoryal, pumangalawa sa pagsulat ng lathalain at ikaapat na pwesto sa pagsulat ng isports.
Ilan pa sa mga nakakuha ng pwesto ay sina Jerry Ric Duero (III-1) unang pwesto at Robert Montabon (III-2) ang ikalawang pwesto sa Editoryal Cartooning.
Nakamit naman ni Hazel Bonifacio (IV-1) ikatlong pwesto sa pagsulat ng editoryal, Bongbong Bulan (IV-1) ikaapat na pwesto at Mergelyn Mercado (III-1) ikalimang pwesto.
Sa pagsulat ng lathalain, nakuha ni Joy Legazpi (IV-1) ikatlong pwesto, Gerald Brobio (IV-1) ikaapat na pwesto at Garri Kim Vallega (IV-1) ikalimang puwesto.
Nasungkit ni Alex Zaragoza (III-1) ang unang puwesto sa pagsulat ng balita, pumangalawa si Jomar Verbo (I-1) at ikaapat na puwesto si Jhoanna Paula Sarte (II-1).
Sa pagsulat ng balitang isports, inuwi ni Jessa Mae Cortez (III-1) ang unang puwesto sinundan ni Hazel Bonifacio (IV-1) at ikalimang pwesto si Leslie Demontar (IV-1).
Samantala, nakamit ni Hazel Bonifacio(IV-1) ang unang puwesto sa pag-uulo at pagwawasto ng balita, sinundan nina John Rey Castillo(IV-1) at Fredyrico Torres(III-1).
Sa photojournalism sina Bongbong Bulan(IV-1) at Arvidas Clyde Turingan (III-1) ang nagkamit ng una at ikalawang puwesto.
Sa “The Stentor”, nangunguna sina Ariel Alborte (IV-1), Jennefer Fuentes (IV-1), Angel Alemania (I-1), Elizabeth Mae Duran (III-1), Jocelyn Baccay (III-1), Mary Jane Dano (IV-1), Edelyn Kuan (IV-1), Gaylord Migue l(III-1) at Christian Paul Rafol (II-1) para sa Sports Writing, News Writing, Editorial Writing, Feature Writing, Copyreading and Headlining at Photojournalism.
Si Gng. Edna F. Agustin, Tagamasid sa Ingles ang naimbitahang maging tagapagsalita. Kasama din ng mga batang Mambugan ang Maximo L. Gatlabayan National High School sa pangunguna ng kanilang tagapayo na si Bb. Cristy Dimayuga.
Ang isinagawang School Press conference ay isang paghahanda sa Division School Press Conference. (Fredyrico Torres)
No comments:
Post a Comment