Friday, November 14, 2008

Umalohokan TP 2008-2009 Pahina 6

Maikling Kuwento
source from the net forgot the site
“ Wanted Teachers Abroad!”

Kanina pa nakaharap sa computer si Bb. Castillo. Hindi lamang sampung beses na kanyang inulit-ulit ang pagbabasa sa ad na iyun sa internet, sa WORKABROAD.COM.PH. Hindi maikakaila na intresado siya sa nasabing paanunsyo kung kayat pilit niyang kinuha ang lahat ng detalye mula sa address ng agency, mga kailangang papel sa pag-aaplay at kung anong araw siya puwedeng magsadya upang ipasa ang kanyang resume.

Pag ganitong bakante at wala siyang klase, iisang lugar lang ang kanyang tinatambayan. Lahat ng mga kasamahang guro niya ay alam na kung saan siya hahagilapin, sa computer lab ng kanilang eskwelahan.Hindi siya ang itinalagang computer teacher, subalit dahil sa hilig niyang mag- internet, mistula na siyang assistant ni G. De vera, ang IT teacher nila sa skul na iyun.

Malakas ang kabog sa kanyang dibdib. Hindi maipaliwanag ni Donna kung kaba o sobranfg excitement ang kanyang nadarama. Subalit kung ano man ito ay di na mahalaga dahil buo na ang kanyang desisyon, sa isip niya ay nakadungaw ang pag-asa. Ito na ang pagkakataong matagal na niyang hinihintay. Ang makapagturo sa Amerika at maiahon sa labis na paghihikahos ang kanyang pamilya.

Isa siyang pampublikong guro sa San Antonio National High School. Limang taon na siyang nagtuturo ng BIOLOGY sa paaralang iyun. Dalawamput pitong taong gulang na siya subalit hanggang ngayon siya ay nanananatiling dalaga pa rin. Paano siya kasi ang bumubuhay sa kanilang pamilya. Pitong taon nang paralisado ang na istrok niyang ama, Sa bahay lamang at di maasahan sa trabaho ang hikain niyang ina kayat sa kanyang mga balikat nakaatang ang bigat ng pasaning krus sa pag-papaparal sa tatlo pa niyang mga nakabababatang kapatid. Ramdam niya ang labis na hirap sa pagganap ng kanyang tungkulin bilang breadwinner ng pamilya. Ito rin ang dahilan kung bakit lahat ng mga nanliligaw niya ay hindi niya sinasagot dahil para sa kanya pamilya muna bago ang kanyang sarili.

Kinse mil, iyun ang gross compensation na nakasulat sa payslip ni Donna. Subalit sampung libo dun ang kinakaltas sa pagbababayad ng kanyang mga pinagkakautangan sa mga lending corporation. Limang libo lamang ang net pay na kanyang naiuuwi sa isang buwan, kung minsan ay kulang pang pambili sa gamot ng tatay niya, di pa kasama dun ang babayaran nila sa upa at kuryente sa bahay.

Sumilay ang kakaibang ngiti sa kanyang mga labi. Para kay Donna binuksan ng langit ang isang pinto ng kanyang mga pangarap. Isang dadaanang pinto upang matakasan niya at ng kanyang pamilya ang sobrang nararanasang hirap ng pamumuhay sa kasalukuyan. Buo ang kanyang loob at positibo ang kanyang nararamdaman, papasa at matatanggap siyang guro sa Amerika.

Tunay na isang magaling na guro si Donna Castillo, hindi kataka-taka na napasama siya sa unang batch ng mga gurong Pilipino na dadalhin sa Amerika upang doon magturo. Marami sa mga kasamahang guro niya ang nainggit sa kanyang kapalaran.Wika nga, siya ay tinamaan ng swerte. Bibihirang pagkakataon ang dumapo sa kanya at madaming guro sa Pilipinas ang handang lumaban maski ng patayan mabigyan lamang ng pagkakataonng makapagturo sa lugar na kung tawagin ay “LAND OF MILK AND HONEY’.

Dalawang taong kontrata, iyun ang pinirmahan ni Donna bago tumulak ng Amerika. Kung papalarin pagkatapos ng dalawang taong iyun pupuwede na siyang mag-aplay bilang residente ng Amerika at pag siya ay nabigyan ng green card ay puwede na niyang i-petisyon at kunin ang kanyang pamilya.

Ngunit swerte nga ba talaga? O sadyang laging kakambal ng suwerte ang kamalasan? Dalawang buwan pa lamang bilang guro sa Amerika ay gusto nang umuwi ni Donna. Bukod sa kanyang pangungulila ay di niya makayanan ang napakasamang pagtrato ng mga estudyanteng Amerikano sa kanya.

“You idiot Filipina, You are an Allien! You have no place here in our country! You better go back to the Philippines!”

Walang magawa si Donna kundi ang mapahagulhol. Sobrang diskriminasyon ang kanyang nararanasan sa bagong paaralang kanyang pinagtuturuan ngayon. Hindi guro kundi isang alila at utusan ang trato sa kanya ng mga estudyante niyang puti. Hindi niya kayang supilin ang sobrang pagiging wild ng mga bago niyang mag-aaral. Kahit siya ay sumigaw at humiyaw sa sobrang galit ay hindi siya pinakikinggan at iniintindi ng mga ito, na mistulang mga demonyong may buntot at sungay sa ulo.

Mala-impyerno ang limang buwang naging karanasan ni Donna sa kanyang pagtuturo sa Amerika. Hindi na niya kaya. Walang nabago sa bastos at pangit na pakikitungo sa kanya ng mga estudyante niyang puti. Suko na siya. Hindi na siya tatagal. Bago pa siya bawian ng katinuan ay humiling na siyang pabalikin na lamang sa Pilipinas.

Daig pa niya ang tumama sa lotto ng payagan siyang bumalik ng bansa.Walang pagsidlan ang kanyang tuwa. Uuwi na siya ng Pilipinas! Babalik na siya sa bansang pinakamamahal! Hindi bale nang sabihin na bigo siya sa kanyang mga pangarap ang mahalaga makakapiling niyang muli ang pamilya na siyang itinuturing niyang tunay na kayamanan.

UUWI NA SI MA’AM! At meron siyang leksyon na natutunan. Ang kayamanan ay di sukatan ng kaligayahan. Ang mahalaga ay masaya ka kapiling ang iyong mga mahal sa buhay at ikaw ay kanilang iginagalang at pinapahalagahan… (Hannah Kim)


Suring Pampelikula
Nasa 'Pinas na sila!

I am Bettyful!

Isa na ito sa mga katagang alam na halos ng karamihan matapos na gumawa ng Pinoy bersyon ng Betty La Fea.

Kilala ang mga Pilipino sa pagkahilig sa mga soap opera kung kaya’t patok ang mga pagpasok ng iba’t ibang palabas mula sa ibang bansa.

Dati, telenobela lamang ang alam ng lahat ngayon may Koreanobela at Tsinobela na patok na patok sa panlasa ng mga Pinoy.

At dahil dito, nagkaroon na ng Pinoy bersyon ang ibang palabas na napanood na natin noon. Marami ang nagsasabing parang walang originality ang maga ito o kaya naman ay mga trying hard ang mga artistang gaganap dito.

Ngunit ng ito ay ipalabas marami din ang nanood o sumusubaybay sa mga pangyayari. May nag-aabang kung talaga nga bang ginaya lang basta ang mga ito.

Subalit kung susuriin, binigyan ng ito ng kakaibang atake at nilagyan ng pagka-Pilipino. Nilagyan ng mga kaugalian natin.

Ilan sa mga sinubaybayan ng mga manonood ang Marimar, My Girl, Ako Si Kim Sam Soon at ngayon nga ang Betty La Fea. 

Mga palabas na nagpaiyak, nagpatawa, nagpakilig, at nagbigay inspirasyon sa lahat, bata man o matanda, may ngipin o wala.

Malaki ang ikinatanyag ni Marian Rivera ng mapili siyang gumanap na Marimar. Marami ang humanga sa kanyang ganda gayundin sa kanyang pag-arte. Masasabing pinatunayan lang talaga niyang kayang pantayan si Thalia.

Sa My Girl, halos walang ipinagkaiba ang karakter ng dalawang bidang babae na ginampanan ni Kim Chui ngunit may mga nagsasabing masyado pang bata sina Kim at Gerald para sa role nito. Ganunpaman ay sinubaybayan pa rin ito.

Si Regine Velasquez naman ang napiling gumanap na Kim Sam Soon at bumagay naman sa kanya. Nabigyan ng ibang kulay ang buhay ni Kim Sam Soon.

Unang sinimulan sa Columbia ang Betty La Fea at nagkaroon na ng iba’t ibang bersyon, at ngayon ay lumipad na patungong ‘Pinas. Maraming nagsasabing bagay na bagay kay Bea Alonzo ang pagganap niya dito at ni John Lloyd Cruz na kamukha ng original na artista nito.

Ang pagkakaroon ng Pinoy bersyon ay hindi naman masama, ito lamang ay nagpapatunay na tayong mga Pilipino ay kayang tumanggap ng mga pagbabago.

Marahil, nais ding subukan maiba naman ang takbo ng mga panoorin dito sa ating bansa. At maaaring ito pa lang ang simula ng marami pang Pinoy bersyong ating mapapanood. (Rhodeliza Dollente)

Suring Panlipunan

Libreng ads, sa arm chair mo!

Can u be my txtmate... Psst ano no. mo… 
Pamilyar ba ang mga salitang ito sayong pandinig.Oo mga salitang kadalasang makikita mo sa? Saan nga ba natin ito madalas makikita mo sa? Saan nga ba natin ito madalas nakikita ? Ah naaalala ko na,saan pa kung di sa upuan.

Pero sandali lang hindi lang iyan. Meron pa,isa rin sa kadalasang mariririnig mo ay, “Yuck kadiri, sino ba nagdikit ng bubble gum na ito. Kadiri talaga.Nakakatawa talagang isipin na ang simpleng upuan ay marami pa lang laman. Isang simpleng upuan na puno ng sulat,bubble gum,nakaipit na love letter na kung minsan pa’y nakadikit sa ilalim.Hay! tayo talagang kabataan,hindi malaman ang takbo at laman ng isipan.

Nakakatawang isipin,nakakakilig na sa simpleng upuan may nagiging magkasintahan. Ngunit ano nga ba talaga ang totoong dahilan kung bakit nagsusulat at nagdidikit ng bubble gum si ate at si kuya? Ating isa-isahin ang mga kadahilanang nagtutulak na gawin ang karumal-dumal(hindi nga?) na gawaing ito. 

Unang-una sa Listahan;makipagkilala, ang pagkakaroon ng bagong kaibigan(kaibigan nga ba ang hanap?) ay masayang gawain. Pangalawa ay ang pagpahayag ng nararamdaman, kapag si ate ay may crush, pero ibang oras ang klase niya sinusulat niya ang kanyang gustong sabihin(kakakilig naman). At ang pinaka-huli, dahil si kuya ay may sakit na KATAM, as in katamaran(bongga! pangmayaman ba yun?). Sino nga naman ang magnanais na lumabas pa at itapon ang bubble gum sa basurahan. Nakakatamad nga naman... e meron nga namang instant basurahan...ang upuan. Nakakatawang mga dahilan diba?pero iyan ang katotohanan.

Katotohanan na hindi na natin matatakasan. Ating palawakin ang mga dahilan kung bakit nagsusulat sa upuan ang ating mga friendship. Isa sa mga nakikita sa mga upuan ay ang salitang “I Love You Bhe! Mahal na mahal kita!” Oh diba bongga! Ang filings nga naman kahit saan nakakarating. Madalas sa atin ngayon, hindi na mahilig sa direktang papagpapahayag ng saloobin. Mahilig na tayo ngayon sa paraang masasabi natin ng hindi agad-agad malalaman ng ating gustong paratingan. Ito nga ang isang paraan na iyon. Syempre nahihiya si Ate kay crush. Kaya idaan na lang natin sa upuuan. Upuaan na lang ang magsasabi ng kanya-kanyang nararamdaman. O diba nga naman... masyado na tayong maparaan.

Doon naman tayo sa kadiring bubble gum. Hoy Kuya! Kadiri kaya yun no... Itigil na! tama na!
e kung mukha mo kaya ang didikitan ng Bubble gum? Masaya ka kaya? hay, bawal po ang tatamad-tamad magtapon sa basurahan!

At patikim pa lang yan...hindi lang sa mga upuan iyan madalas mangyari. Nangyayari rin ang mga ganitong eksena sa dingding ng mga C.R.. Nariyan ang pagsulat ng mga nakakakilig na I Love You. At hindi lang yan mga friends, kapag may kaaway si kuya... ay! bonggang-bongga ang ding-ding sa daming banta.

Nakakatawa talaga... HAHAHA(ang plastik).

Pero kung ating susuriin, ito rin ay isang paraan ng komunikasyon, kung walang load ang cellphone mo... o diba? nakatipid ka pa.

Iba-iba man ang nais iparating, iisa lang ang layunin. Walang iba kundi ang mailabas ang saloobin sa isang tao o sa lahat man.

Iisang layunin ngunit iba-iba ang paraan ng pagpaparating.

Normal lang ang pagpapahayag ng damdamin... ilabas mo na yan, sige ka, baka sumabog yan... Mabaho pa! (hahaha) (John Rey Castillo)

Tula
Ulan
Fredyrico Torres

Mga sampung taon ang nakararaan,
At naalala ko pa noong aking kamusmusan,
Na ako dati’y maraming kinatatakutan,
Lalung-lalo na ang malakas na ulan.

Ayokong marinig ang kulog na nakagugulat,
Ayokong marinig ang mabangis na kidlat,
Kapag ang hangin ay nagsimula ng humampas,
Ako’y nananalangin na ito na ay umalpas.

Sa bawat pagpatak ng tubig mula sa itaas,
Ako’y pinagbabawalang maglaro sa labas,
Dito lang daw ako sa loob at magpainit ,
Para ng sa gayon ay hindi ako magkasakit.

Mga sampung taon na rin ang nakararaan,
Wala pa ring pinagbago ang noong aking kamusmusan,
Hanggang ngayon ako’y duwag at maraming kinatatakutan,
Walang pag-asa na ang nakaraa’y kalimutan.

Ngunit sa pagdaan ng panahon,
Ako’y unti-unti na ring umahon,
Sa putikang aking kinasadlakan
Ngayon, ako ay lalaban.

Nasaan na ang kulog na nakugugulat?
Nais kong makita ang mabangis na kidlat,
Sana ang hangin ay magsimula humampas,
At patutunayan ko ang aking lakas.


Umalohokan TP 2008 - 2009 Pahina 7

Suring Basa 

Komiks, meron pa ba?

Narinig mo na ba ang pangalang Darna? Eh ang pangalang Dyesebel? E c Lastikman kaya? May pahabol pa! si Kamandag? 

Syempre naman siguro noh. Sila ang mga madalas nating makita sa mga fantaserye na talaga namang pumatok sa buong bayan lalung-lalo na sa mga bagets.

Pero bago sila nakita sa mga telebisyon, alam n’yo ba kung saan sila nanggaling? Galing muna sila sa tinitawag nating komiks.

Ngunit teka lang….ano nga ba ang komiks? Meron pa ba n’un?

Ang komiks ay isang palarawang pamamaraan kung saan ginagamit ang larawan upang makapaglahad ng sunud-sunod na pangyayari. Tinatalakay dito ang pakikipagsapalaran ng pangunahing tauhan sa lipunang kanyang ginagalawan. 

Ito ay isa sa mga popular na libangan noon ng mga kabataan...(panahon nila ma’am at sir). Dahil di pa naman uso noon ang telebisyon kaya’t sa komiks o aklat na lang binabaling ng mga kabataan noon ang nilang pansin. Kung ating susuriin mga prends, talagang naging bahagi ng buhay ng tao noon ang pagbabasa ng komiks. Nasubaybayan nila ang bawat kabanata ng mga bagong kwento.

Kung ating tatanungin ang ilan sa ating mga lolo’t lola o kaya’y sila nanay at tatay siguradong kabisado pa rin nila ang kwento ng mga paborito nilang karakter sa komiks noon. 

Hindi lamang panlibang ang komiks, marami ding benepisyong makukuha dito. Mahahasa kang magbasa, sabi ng ibang hindi nakapag-aral natuto silang magbasa dahil sa dyaryo at komiks.

Nawiwili ring gumuhit ang mga kabataang nakapagbabasa nito sapagkat puno nga ito ng larawan. At higit sa lahat kinapapalooban ito ng maraming aral na magpapabuti sa atin. Oh di ba? Ang daming benepisyo mga prends?

Ngunit unti-unting naglaho ang komiks. Dala ito ng katotohanang mabilis ang pagbabago ng teknolohiya. Nariyan na ang telebisyon, cell phones, internet at marami pang iba. 

Lubos itong nakaapekto sa popularidad ng komiks. Kasama ring naglaho ang mga mabubuting aral na kasama nito.

Syempre nga naman, bakit pa bibiling komiks kung may cell phones, kung may internet na at T.V.

Ngunit matapos ang matagal-tagal nitong pananahimik ay muling binuhay ni Carlo J. Caparas ang nalalapit nang pagwawakas ng komiks.

Taong 2007, ng sinimulan itong buhayin ni Caparas katuwang ang Sterling Publication. Kaya kung napansin n’yo sa mga tindahan ng mga dyaryo muling bumabandera ang mga ito.

Ngunit ang pagbabalik ng mga komiks na ito ay may isang katanungan. Muli kaya itong yayapusin ng mga tao bata man o matanda? Muli kaya nitong maibabalik ang pagkahilig ng mga kabataang Pilipino sa pagbabasa?

Kaya, ito’y isang hamon para sa ating lahat na buhaying muli ang komiks. Hindi para kumita ang mga naglalathala nito kundi muling patalasin ang ating isipan at palawakin ang ating mga imahinasyon. Kaya ano pang ginaganawa mo diyan? Tara na!!! biyahe tayong muli sa mundo ng komiks.# (Bongbong Bulan)

Tula

Ako na lang ang lalayo

Garri Kim Vallega

Ako na lang ang lalayo,
Kung iyon ang ikaliligaya mo,
Hindi ko kayang ipagpilitan ang sarili ko,
Sa buhay mong gusto.

Kita’y akin ng palalayain,
At magagawa mo na anuman ang yong gustuhin,
Kita’y hindi na iisipin,
Kahit ito’y masakit sa akin.

Iba na ang iyong mahal,
At ito’y dumurog sa puso kong pagal,
Wala na akong magagawa,
Kundi ang umupo at lumuha.

Ngunit matapos nito,
Ako’y muling tatayo,
Upang hanapin ang sarili ko,
Ng ito ay itapon mo.

Ako’y magmamahal muli,
At sayo’y hindi magkukubli,
Babaguhin ko na ang aking sarili,
Ibang-iba di gaya ng dati.

Ngunit ang lahat ng ito ay hindi makatotohanan,
Dahil mahirap kalimutan ang ating pagmamahalan,
Pero dahil ito ang gusto mo,
Ako na lang ang lalayo.


Suring Pangmusika

Tunog Kano, lirikong Pinoy


(English Version)
Shawty had them apple bottom jeans (jeans)
Boots with the fur (with the fur)
The whole club was lookin’ at her
She hit the floor (she hit the floor)
Next thing you know
Shawty got low,low,low,low…….

(Tagalog Version)
Mansanas, pantalon
At sapatos na balbon
Buong beerhouse nakalingon
Ay nadapa, bigla-bigla
Nag-spaghetti pababa ng pababa ng pababa 


Ang kantang ito ay isang halimbawa ng mga nagsulputang dayuhang kanta na ngayon ay may Pinoy Version na, mapatagalog o visayan version pa iyan.

O ju kaluguran da ka, Umbrella, With you, Clumsy at iba pa. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga awiting ginawa at kinanta ng mga dayuhan na sa ngayon ay ang ating mga radyo at mga tainga ang ginugulantang dahil ang mga sarili nating bersyon nito ay talaga namang pumapaimbulog.

Bakit nga ba nauso ang pagkakaroon ng Pinoy Version ng mga awiting ito? Sa aking palagay (ewan ko lang sa inyo), pumatok ang mga ito sapagkat mas naipararating ng mga nakikinig ang kanilang sa mga saloobin kung mas naiintindihan nila ang isang awitin. Kamakailan lang ng magsulputan ang mga sarili nating bersyon sa mga awiting ito pero nang mahalin ng masa ang ilan sa mga naunang kanta ay nasundan na ito ng iba pa.

Mapabata o matanda basta’t marinig ang mga kantang ito ay napapaindak at napapasabay sa pag-awit. Isang patunay pa na gusto nga ito ng masa ay palagiang pagpapatugtog ng mga awiting ito sa mga kasiyahan tulad ng kaarawan.

Ang pagsulputan ng mga awiting ito ay patunay lamang na may angking kakayahan talaga ang mga Pinoy sa paglikha ng sariling bersyon na kahit kaparehas ng iba, hindi naman lubos na kinopya.

Higit sa lahat, hindi lang ang wikang Tagalog ang ginamit, nabigyan din ng pagkakataon ang iba pang mga lenggwaheng tulad ng Kapampangan. Isang patunay na kayang maging isa ng mga Pinoy kahit na nahahati ito ng iba’t ibang lenggwahe.

Ang pagsulputan ng mga awitin at telenovela na ginawan ng Pinoy Version ang siya ngayong humahataw sa ating mga telebisyon at radio. Mga awiting nagiging kabahagi ng bawat araw ng tagapakinig. Awiting sumasalamin sa mga tao nang kasalukuyang henerasyon. (Mergelyn Mercado)

Thursday, November 13, 2008

Umalohokan TP 2008-2009 Pahina 5


Editoryal

Huwag kang pasaway!

Mga patakaran, panuntunan at alituntunin. Mga nagsisilbing batas sa ating paaralan na ginawa para magkaroon nang maayos at disiplinadong mga mag-aaral. Mga dapat sundin para sa maayos na ugnayan ng mga guro at mag-aaral.

Ngunit papaano kung ang mga simpleng batas na ito ay parang basurang itinatapon na lang ng mga estudyante? Ang isang maayos bang paaralan ay makakamtan? Iisang sagot lang ang nagsusumigaw, hindi.

Ano nga ba ang mararating ng mga estudyanteng hindi marunong sumunod sa mga alituntunin ng paaralan? Wala, sapagkat kung dito pa lamang sa loob ng ating ikalawang tahanan ay hindi na magawang sundin ang mga patakaran, ano pa kaya sa labas? Baka mauwi lang ito sa ating kapahamakan.

Sa mga pampublikong paaralan natin makikita ang mga nararapat na ayos ng mga estudyante dahil sa mga pampribadong paaralan ay tinatanggap kahit ano pa ang ayos ng mga estudyante, may kulay man ang buhok o ahit ang kilay.

Sa unang araw pa lang ng klase, ipinapaliwanag na sa mga mag-aaral ang mga patakaran ng paaralan. Sa una, ayos pa ang lahat ngunit paglipas ng ilang araw ay mapapansing ilan sa mga ito ang hindi na nakasunod sa mga rules and regulations ng paaralan.

Ilan sa mga patakaran ng paaralan na kadalasang sinusuway ay ang pag-aahit ng kilay, hindi tamang sukat ng unipormeng palda, hindi pagsusuot ng I.D. at kung anu-ano pa na tila mga simpleng batas ngunit hindi magawa.

May mga karampatang parusang naghihintay sa mga mahuhuling lumalabag sa mga alituntuning ito. Una na riyan ang warning, ikalawa ang pagtawag sa guardian o magulang at huli ang suspension o di naman kaya’y pag-kickout sa paaralan.

Nararapat na habang maaga pa ay maitanim sa puso ng bawat isa sa atin na ang mga simpleng batas na ito ay nabuo para sa kabutihan din natin. Hindi mahirap sumunod kung ating laging pakaiisipin na sa simpleng hindi pagsunod sa mga alituntuning ito, nakataya ay kinabukasan natin.


Malay Mo
Hazel Bonifacio

Tapusin na sana... 

Kakulangan sa silid-aralan ang isa sa mga pangunahing suliranin ng ating paaralan noon at magpasahanggang ngayon. 

Humigit kumulang na dalawang libo’t pitong daan tayong mga mag-aaral na pinipilit na pagkasyahin sa labindalawang klasrum.

At dahil dito, inaksyunan naman ito at tinugunan ng ating gobyerno sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga karagdagang silid-aralan. 

Noong nakaraang taon, walong silid lamang ang ating ginagamit at napilitan tayong manghiram pa ng ilang silid sa elementary sapagkat itinatayo pa ang apat na klasrum handog ng DPWH.

Sa ngayon ay ginagamit na ito subalit ang naturang gusali ay hindi pa tapos ngunit ginamit na sapagkat kailangan. Sinabi naman ng contractor na nagtayo nito na pwede na itong gamitin kahit di pa tapos. Marami tuloy ang nagtatanong kung ano ang dahilan at hindi ito natapos? 

Sinasabing iba raw ang magsasagawa ng finishing nito. Hindi ba mas maganda na iniwan nila itong tapos na kaysa naghihitay pa ng panibagong gagawa.

Oo nga’t magagamit ang gusaling ito, ngunit maari itong maging dahilan ng kapahamakan nating mga mag-aaral. May ilang bahagi ng gusali na tila lumilindol dahil sa hindi tiyak ang kalidad nito. 

Sa ganitong sitwasyon, hindi maiaalis na kabahan ang mga guro at mag-aaral sa sa araw-araw nilang pagtuntong dito. At hindi rin maiaalis sa isipan ng mga guro, mag-aaral at mga magulang na pag-isipan kung anong dahilan at hindi ito natapos. 

Isa lang naman ang gusto ng lahat, ang tapusin na ang building na ito bago pa may mga mapahamak na mga mag-aaral. 

Malaki nga ang maitutulong ng building na ito subalit sana naman ay hindi na pinatakam lang ang paaralan. Sila ay tila nagbigay ng regalong wala ng balot o ribbon man lang. 

Sana naman ngayong darating na pasko ang hiling naming mga mag-aaral at ng pamunuan ng paaralan ay matupad. Iyon ay ang tapusin na ang DPWH building.


Deretsahan
John Rey Castillo

Ano ba ‘yan?

Maraming nagbabago sa kapaligiran natin at sa dami ng pagbabagong ito...ang tanging masasabi ng karamihan sa ‘tin...”Ano ba ‘yan?”
**********
Sa alituntunin ng paaralan nakasaad na sa bawat unang araw ng buwan kailangang nakagupit ang buhok ng mga lalaki subalit marami pa rin ang hindi makasunod, eh, anong petsa na?
**********
Bahagi ng uniform ang ID. At sa kasalukuyan, halos lahat ay mayroon na ito. Ngunit marami pa rin ang incomplete uniform sa kadahilanang hindi nagsinusuot ang ID.
**********
Nagkalat sa loob ng paaralan ang mga basurahan ngunit marami pa ring basura sa paligid dahil yata sa nakapikit ang mga mag-aaral sa pagtatapon ng basura.
**********
Nagkaroon ng programang Adopt-a-School at ilan sa mga nag-adopt sa atin ay ang Manila Water at MMLDC.Inayos at pinaganda ang ating mga CR ngunit tila di marunong gumamit ng mga palikuran ang ilang mag-aaral.
**********
Pagpasok ng Global warming awareness sa kurikulum ng paaralan ang nagpanalo sa Ms Philippines sa Miss Earth ngunit may bumabatikos dahil dito sa Pilipinas ginawa ang kompitisyon.
**********
Bago na pangulo ng Amerika Si Barak Obama at tanggap ng kanyang katunggali na si John McCain ang kanyang pagkatalo, dito kaya sa Pilipinas mangyayari ang ganoon?
**********
Bumabagsak na ang ekonomiya ng Amerika pero kahit gan’un, patuloy pa rin ang pagdami ng mga Plipinong nangangarap na makarating dito.
**********
Pahirapan na naman sa paggawa ng dyaryo pero matapos maipamigay sa mga mag-aaral ginagawang pamaypay, sapin sa upuan o kaya nama’y hinahayaan na lang makinabang ang basurahan.
**********
Ano ba ‘yan? Maraming gusto ng pagbabago pero hindi ba dapat ito ay magsimula sa ating sarili?


Mapagmasid
Jessa Iwi Anecito

Rollback sa langis at pamasahe, 
kulang pa 

Bawasan pa.

Ito ang sigaw ng mga mamamayang labis naaapektuhan sa krisis sa langis. Matapos nga naman bumagsak ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay ilang ulit pa lamang itong nagbababa ng presyo.

Ngunit ayon sa mga nagsusuplay ng langis dito sa ating bansa, hindi lang naman ang pagbaba ng presyo sa World Market ang maaaring maging batayan nang kung gaano kalaki ang ibabawas na presyo kundi maging kalagayang ng piso sa palitan nito kontra dolyar.

Inaasahan ng mga mamimili na malaki rin ang mababawas sa pamasahe sa mga pampasaherong jeep at bus kung magpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng langis. 

Sa kasalukuyan, inumpisahan na ito ng pagbabawas ng 50 sentimo sa mga pampublikong jeep at ordinary bus at P1 sa mga aircon bus.

Umaasam din ang mga mamimili na mabawasan ang presyo ng ilang mga produkto tulad ng mga de lata dahil sa pagbaba ng presyo ng langis. 

Ngunit ayon sa mga manufacturer, hindi lang naman langis ang pinagkakagastusan ng mga manufacturer na ito. May mas malaki pang bahagi ang mga lata na ginagamit sa paggawa ng mga produktong de lata at pati na rin ang mga imported na sangkap ng mga produktong ito.

Magkagayunpaman, marami pa ring mga drayber at pasahero ang natutuwa sa kahit paunti-unting bawas na nangyayari sa presyo ng langis at pamasahe. Mas mabuti na raw ito kaysa sa wala.

Marami rin namang mga pasahero ang natuwa ngunit may mga hirit pa na sana’y madagdagan pa ang pagro-rollback ng pamasahe lalo na sa panahong ito.

Kabilang tayong mga mag-aaral, na naapektuhan din nito. Isa rin tayo sa mga pasaherong nagbabayad at sa hirap ng buhay ngayon ang 50 sentimos na kabawasan sa pasahe ay maaari na nating ipunin hanggang sa maging ang 50 sentimos na ito ay mabuo muling salaping pambayad sa serbisyong ibinibigay ng mga sasakyan.


Payag ka ba na umabot hanggang 5th year 
ang hayskul? Bakit?

Oo, kasi Pilipinas na lang hindi ang nagpapatupad ng 10 years sa BEC at kapag napatupad ang 5th year, mas lalong mahuhubog at magiging handa ang mga estudyante sa pagtuntong ng kolehiyo.
Gem Kenneth Oliva, IV-1

Hindi, kasi sayang sa panahon at saying sa oras. Saka, dapat matagal na nila ipinatupad ‘yan, hindi ngayon.
Jessa Mae Paulo, III-1

Hindi, kasi madadagdagan pa ang aming gastusin sa pag-aaral. 
Ana Marie Baylon, I-1

Depende. Kung kaya ng bata bakit hindi.
Josie, magulang

Hindi. It is not the length of time, it is the quality of time.
Mr. Nelson Raro, Guro

Wednesday, November 12, 2008

Umalohokan TP 2008-2009 Pahina 4


Editoryal
‘Pinas, hindi ligtas sa krisis

Global financial crisis. 

Pangunahing suliraning kinakaharap sa ngayon ng buong mundo. Krisis na nag-ugat sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansang Amerika. 

Sa pangyayaring ito, damay ang Pilipinas sa krisis na ito na siyang nagpapasakit sa ulo ng iilan. Ang mga katagang, ‘lagnat ng Amerika, trangkaso ng bansa’, ang isa pang nagpapaisip sa mga Pilipino sa mga posibleng epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Sinasabing ang pangunahing maaapektuhan nito sa ating bansa ay ang mga kababayan nating OFW sapagkat isa sila sa may malaking pera na inaambag sa bansa at inaasahan na sa taong ito ay tataas pa. Ngunit sa krisis, bababa ang maipapasok nilang remittances sa bansa.

Isa sa mga dahilan ay ang posibilidad na pagsasara ng kanilang pinaglilingkurang kompanya sa oras na maapektuhan ito ng krisis, lalo na ang mga nasa financial sector.

Halos dalawang milyong mga Pinoy ang namamasukan sa Amerika at sa oras na mapauwi sila ng ‘Pinas ay mapapabilang na sila sa mga walang trabaho na isa rin sa mga problemang kinakaharap sa loob ng bansa.

Saan kaya pupulutin ang ating bansa kung hindi masusulusyunan ang krisis na ito? Maghihintay na lang ba tayo ng gamot o tayo ang maghahanap ng lunas?

Hindi ba’t maaari tayong tumayo sa ating sariling mga paa na hindi na kailangang maghintay pa ng tulong kung kanino man.

Sa mga nagaganap na pagbabago ng ating kapaligiran sa ating bansa nakatitiyak tayong hindi tayo ligtas sa mga krisis na ito. Mararamdaman natin ito, hindi man biglaan maaaring paunti-unti at wala man sa atin ang maaaring magkibit balikat kung magpapatuloy pa ang paglawak ng problema.

Sa pagkakataong ito, dapat tayong kumilos. Maghanap ng solusyon, lutasin ang problema. Hindi lamang gobyerno ang kinakailangang makaisip ng paraan kundi pati na rin mamamayan.

Gayundin, nararapat lamang na maging bukas ang mga kabataan sa mga ganitong usapin upang maging handa sila sa pagsuong sa problema ng bansa at ng kanyang pamilya lalo na kung ang mga magulang nila ay nasa ibang bansa.

Maaaring dumating ang panahon na ang mga kabataan ngayon ang makahanap ng solusyon sapagkat mahilig silang magdiskubre ng mga bago, umisip ng mga paraan para sa kanilang sarili. 

Maaari ngang hindi tayo ligtas sa krisis na kinakaharap ng mundo ngunit maaari pa rin tayong makaisip ng mga solusyon o kaya’y alternatibong paraan ukol dito.

Hindi pa naman lugmok ang bansa natin ibig sabihin lamang nito ay may pag-asa pa tayo. Maliligtas pa rin tayo kung pipilitin nating iligtas ang ating mga sarili.


Sapul 
Garri Kim Vallega

Pa’no na si Manong?

Isa sa mga importanteng tao sa loob ng paaralan ang gwardya. Sila ang nagpapanatili ng katahimikan at kaayusan. Isa rin sila sa mga nagpapaalala kung ano ang disiplina.

Sa ating paaralan, si Mang Carlos Bulanon o mas kilalang Manong Guard at si Bonifacio Cesar o Mang Boni ang ating kinikilalang mga gwardya. Si Manong Guard ang nangangasiwa sa umaga at si Mang Boni naman sa gabi. 

Hindi madali ang bantayan ang dalawang libo’t mahigit na mag-aaral gayundin ang buong paaralan lalo na sa gabi subalit tila hindi ito binibigyang halaga ng mga mag-aaral. 

Isa sa mga tungkulin nila ang manaway ng mga mag-aaral lalo na ang hindi nakakasunod sa alituntunin ng paaralan at tayong mga mag-aaral ay dapat na sumunod.

Ang mga gwardyang ito ay sumasahod sa pamamagitan ng pagbabayad ng mga mag-aaral ng Guard Fee. Subalit nangangamba ang paaralan na baka mahinto ang pagsisilbi ng ating mga gwardya kung maraming mag-aaral ang hindi magbabayad at magwawalang kibo.

Unang-una katanungan dapat sagutin, hindi na ba natin kailangan ng gwardya? Okay lang ba, na wala nang mangalaga sa kagamitan ng paaralan? Kung tutuusin, hindi lamang nagbabantay sina Manong Guard, kung minsan sila rin ang naglilinis ng mga ikinalat na basura ng ilang walang pakialam na mag-aaral. Kung kaya’t kung sila’y mawawala ay paano na ang ating paaralan. 

Isa sa mga DepEd Authorized Contribution ang guard fee kung kaya’t marapat lamang na ito ay ating bayaran kapalit ng ating kaligtasan sa loob ng paaralan. Ang perang nasisingil sa guard fee ang pinagkukuhaan ng suswelduhin ng ating guard.

Ang paniningil ng guard fee sa ating paaralan ay pinangangasiwaan ng ating GPTA officer. Ayon sa kanila, may mga nagbabayad subalit marami pa rin ang hindi nakapagbabayad dahilan upang hindi sila makasahod.

Sa ngayon, halos dalawang buwan nang hindi sumasahod ng ating mga gwardya ngunit sila ay patuloy pa ring nagbibigay ng kanilang serbisyo. Sa mga pangyayaring ito, bilang pagpalubag loob, nagbigay pansamantala suporta ang paaralan sa kanila subalit hindi ito sapat.

Sa pangyayaring ito, paano na kaya sila Manong? At ano naman kaya ang naghihintay sa ating paaralan kung mawawalan ng gwardya? Hindi lamang ito problema ng mag-aaral, problema din ito ng mga magulang. Magiging payapa kaya ang kanilang isipan kung malalaman nilang ang kanilang anak ay papasok sa paaralang walang gwardya?


Bukang Liwayway
Stella May Leona

Langis sa Palawan isang bagong pag-asa

Kamakailan umugong ang balitang may natagpuang oil deposit sa Palawan na ikinatuwa ng maraming Pilipino.

Ang Palawan ay kilala sa magaganda nitong bakasyunan at tunay na sagana sa likas na yaman na ngayon ay lalong nakikilala dahil sa natagpuan deposito ng langis.

Isa sa mga pinakapangunahing suliranin ng bansa ang langis ngayon sapagkat patuloy ang pagtaas ng presyo at napipintong pagkaubos nito. Alam naman nating ang langis ay isang yamang mineral na hindi napapalitan.

Ang pagkatuklas sa langis o light crude oil sa Galoc oilfield sa Palawan ay isang magandang pangitain na may bagong pagkukunan ng suplay ng langis.

Ngunit ayon kay Vince Perez, dating kalihim ng Department of Energy, hindi nito mababawasan ang suliranin sa presyo ng langis. Maaari lang mabawasan ang problema sa langis kung ipagbibili ito direkta sa mga Philippine oil firms.

Kikita naman ng malaki ang ating bansa kung ibebenta ito sa ibang mga oil firms sa labas ng bansa dahil tatanggap ang pamahalaan ng 60 porsyento mula sa net income na makukuha sa royalty payments.

Sinasabing sa 20 libong bariles na kikitain kada araw na mailalabas ng oilfield na ito mas malaki ang makukuha ng Plipinas kung ito ay maipagbibili sa ibang bansa.

Ito rin kaya ang dahilan kung bakit mas pinipili ng mga imbentor na ipagbili ang kanilang mga naiimbento sa ibang bansa? Mas malaki nga kaya ang kanilang kikitain kung ibang bansa ang kanilang lalapitan?

Kung ating susuriin, tila may pagkukulang ang ating pamahalaan sa mga usaping tulad nito. Ang mga bagay na dapat sana ay tayo ang unang makinabang ay pinagkakakitaan ng malaki ng ibang bansa at tayong mga Pilipino ay tila namamalimos sa mga ito.

Hindi ba tila isang sampal sa ating mga Pilipino na ang mga bagay na galing sa atin ay pinakikinabangan muna ng iba saka ibinabalik sa atin na may tatak gawa sa kanila.

Ano naman kaya ang magiging dating nito sa tulad naming mga kabataan? Mas iisipin kaya naming tumingin sa kanluran sapagkat nandoon ang liwanag?

Hindi ba dapat na maitanim sa aming isipan na dapat muna naming unahin ang aming sariling bansa kaysa iba? Subalit paano kung ang mga balitang tulad nito ang magdudulot sa amin ng kalituhan at baluktot na kaisipan.

Maaari ngang may punto ang pamahalaan subalit kaya kayang unawain ng aming isipan ang nais nilang ipabatid?

Liham sa Patnugot

Sa lahat ng kabahagi ng ‘Umalahokan’,
               
Isang mayabong na araw sa inyong lahat! 

Nais kong iparating sa inyong lahat ang aking pagbati sa inyong naging tagumpay sa paglahok sa DSPC. 

Lubos po akong nagpapasalamat sa mga impormasyong tungkol sa ating paaralan na inyong naipararating sa aming mga kapwa ninyong estudyante. Isa itong malaking tulong sa amin sapagkat nagkakaroon kami ng sapat na kaalaman tungkol sa mga pagbabagong nangyayari.

Nagsisilbing instrumento ito ng panghihikayat sa amin na mag-aral kaming mabuti dahil sa mga mag-aaral na tumatayong modelo na inyong ibinabalita. Nawa’y maipagpatuloy niyo ang inyong makabuluhang gawain.

Lubos na gumagalang,

Jean Carla Junio, IV-2

Jean Carla,

Bago ang lahat, nais kong magpasalamat sa iyong liham.

Pangalawa salamat sa iyong pagpupuri. Isang sinumpaang gawain ang pagbabalita sa inyong lahat. Mabigat man, kailangan naming gawin ito para maihatid ang mga balitang magiging kapakipakinabang, hindi lamang sa mga mag-aaral, kundi pati na rin sa mga guro.

Tungkulin din naming ibigay ang katayuan ng paaralan ng Mambugan sa mga isyu. Sa pamamagitan nito, nabibigyang boses namin ang inyong mga karapatan.

Sa lahat ng iyan, ipinapangako ng Umalohokan na paiigtingin pa ang kapasidad na makapagbigay kaalaman, para sa kapakinabangan ng bawat isa.

Lubos na nagpapasalamat,

Patnugot

Tuesday, November 11, 2008

Umalohokan TP 2008-2009 Pahina 3

Makukulay na bahagi ng cultural show.
‘Lipad, Antipolo, Lipad’- Laserna 

“Lipad Antipolo,Lipad”. Ito ang mga katagang sinabi ni Dr. Corazon Laserna guro ng palatuntunan sa natapos na cultural show na ginanap sa Ynares Center, Agosto 22.

Pinamagatang ‘Kalahating Dekada ng Paglilingkod, Isang Pasasalamat ‘ ang naturang Cultural Show ng Dibisyon ng Antipolo City na ang layunin ay makalikom ng pondong magagamit sa proyektong EXPECT o Excellent Performer’s Competition.

Itinanghal sa cultural show iba’t ibang katutubong sayaw ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Antipolo. 

Ilan sa mga ipinakita ay ang ‘Tinikling’, ‘Maglalatik’ at ‘Itik-itik’. Mayroon ding mga sayaw interpretasyon tulad ng ‘Agila’ awitin ni Joey Ayala.

Isa sa mga nagbigay buhay sa naturang palabas ay ang pagsayaw ng mga punongguro sa elementarya ng ‘Waray,Waray’ at pag-awit ng dalawang punongguro ng sekondarya na sina G. Reynaldo Agustin, G. Rommel Beltran at si G. Jonathan Ramos na isang guro. Tinaguriang “Tres Mosquiteros” inawit nila ang ‘Totoy Bibo’, ’Itaktak mo’ at ‘DooBidoo’.

Dumalo ang pamunuang panlungsod sa pangunguna ni Gov. Jun Ynares, Cong. Angelito Gatlabayan, Cong. Robbie Puno, Mayor Victor Sumulong bilang suporta sa hangarin ng Kagawaran ng Edukasyon sa Lungsod ng Antipolo.

Naging punong abala sa palabas na ito si G. Reynaldo M. Andrade Jr., Pansangay na Tagamasid sa Filipino. (Hazel Bonifacio)

‘Adel’s Burger Stand,’ pumangalawa sa STEP

Pumangalawa ang Adel’s Burger Stand sa naganap na Division Step Skills sa San Jose National High School Okt.9.

Pinangunahan sina Jerry Ric Duero (III-1) at Gaylord Miguel (III-1) ng kanilang tagapagsanay na si G. Arnel Espina. 

“Mahirap pala ang gumawa ng Food Stall. Apat na Oras naming pinaghirapan at pinagtulungang tapusin iyon.” wika ni Miguel.

“Masarap din sa pakiramadam ang manalo kahit na pangalawang puwesto lang at siyempre hindi naming makakamit ang ikalawang puwesto kung hindi dahil sa aming coach na si G. Espina,” dagdag pa ni Miguel.

Ayon pa sa kanila, kaya Adel ang naging pangalan ng kanilang ginawa sapagkat naging inspirasyon nila si Dr. Adelina M. Cruzada, punongguro dahil sa pagiging masipag at matiyaga nito.

Mula sa pagbubuo at pagdidikit ng pattern hanggang sa pagpipintura matiyaga nila itong pinagtulungan. Naging maingat din sila sa pagtatayo ng Food Stall. 

Maliban dito,sila rin ang naunang natapos sa paggawa ng Food Stall. Dumaan din sila sa masusing “oral defense” sa harap ng mga hurado.

Ang paksa ng kompetisyon ay “A Step Higher: Upgrading Skills, Improving Lives.” kung saan iba’t ibang paligsahan ang pinaglabanan tulad ng Techno Quiz, Dish Gardening, Industrial Quiz Bee, Agricultural Quiz Bee, Project Proposal, curtain trimming, cake decorating at Food Stall.

Lumahok ang Mambugan sa piling paligsahan lamang Dish Gardening, Food Stall, Project Proposal at Techno Quiz.

Nagkamit sila Duero at Miguel ng sertipikasyon ng pagkapanalo. Marami ring dumalo sa kompetisyon mga mag-aaral na nagmula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa sekondarya.

Ikinatuwa ito ng kanilang coach na si G. Espina. Wika nya “masaya ako para sa kanila ng pagsusumikap at pagtitiyaga ng mga bata,nagbunga ang kanilang paghihirap.” (Hazel Bonfacio)

Computer room, muling binuksan

Muling nagbukas ang computer room ng Mambugan National High School (MNHS) sa tulong ng Gilas Foundation at ng ilang guro, Set. 2.

Isinagawa ito para matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga estudyante at ng paaralan.

Layunin nito na mabigyan ng sapat na mapagkukunan ng impormasyon at detalye ang mga estudyante, at magamit ng paaralan sa mga aktibidad at programa na gaganapin.

Matatandaan na nagsara ito noong nakaraang taon sanhi ng paglipat nito sa ibang silid. Ayon pa kay Gng. Mary Grace Morales, English Teacher at incharge sa computer room, isa pang tinuturong dahilan ay ang kakulangan sa power supply.

Dagdag pa ni Gng. Morales, ang mga computer na ito ay handog dati ng mayor natin ngayon na si Hon. Victor Sumulong. Ayon pa sa kanya, meron ngayong dalawang units na gumagana at 5 units na hindi na nagagamit.

Itinakda lamang ang oras ng pagbubukas ng computer room mula 8:00-5:00 ng hapon sa araw lamang ng Lunes-Biyernes. Samantala sa mga CAT at Unang Taon naman ang nagbabantay at naglilinis nito.
Taas: Ikinatuwa ng mga mag-aaral ang pagbubukas
computer room. Baba: Abot-tengang ngiti ang
nasilayan sa mga guro sa espeyal nilang araw.

Binubuo ngayon ng isang munting silid-aklatan ang computer room para sa lahat ng mahilig magbasa. Sa kabilang bahagi naman ay isang klinika para sa mga nasugatan at may karamdaman.

Ipinagbabawal naman sa lahat ng mga estudyante ang paggamit ng computer hangga’t sila ay may klase. Makakapasok lamang ang mga ito kapag sila ay humingi ng pahintulot sa nagbabantay at kung sila’y magsasaliksik. (Alex Zaragoza)

Cruzada, nagbigay pagpapahalaga sa mga guro

Makalipas ang limang taon, muling naramdaman ng mga guro ng Mambugan National High School ang kanilang halaga sa pagdiriwang ng araw ng mga guro, Okt.20.

Isinagawa ang programa upang mapasalamatan ang lahat ng mga guro na naglingkod at nagturo ng buong puso. Kasabay nito’y upang maipakilala rin ng lubos ang mga guro at maipamalas ang kanilang tunay na kagalingan.

Matatandaan na limang taon na ang nakalilipas nang muling magkaroon ng araw ang mga guro sa paaralan. Ayon kay G. Steve Casauay, OIC at Science Teacher, isa itong malaking kasiyahan, hindi lamang sa kanya kundi sa kapwa rin niyang mga guro.

Pinasimulan ang programa sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng mga SSG at Interact Officers. Pinamahalaan naman nina Garri Kim Vallega (SSG V-Pres.) at Jennefer Fuentes (IAC-Pres.) ang kabuuan ng programa.

Malakas at maingay na sigawan ang pumuno sa covered court at nagpatingkad ng programa. Lalo na ang pagkanta ng ilang mga guro at pagpapakilala sa kanila isa-isa na may kaniya-kaniyang tagasuporta.

Nagpamalas din ng talento ang ilang estudyante sa gitna ng programa. Nagkaroon din ng ‘Dear Ate Charo’ ang programa na kung saan ay binabasa ang mga sulat ng mga mag-aaral sa sinulatang guro at nagkaroon din ng mga simpleng palaro ang programa.

Pagbibigay ng mga regalo sa mga guro ang naging hudyat ng pagtatapos ng programa. Bitbit ng lahat ang masayang karanasan at umaasang muli itong ganapin sa susunod na taon. (Alex Zaragoza)

Araw ng Kalayaan Watawat pinahalagahan

Maikling pagsasadula at seremonya ang isinagawa ng mga SSG Officers para sa tamang pagsinop ng lumang watawat kasabay ng pagdiriwang ng ika-110 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, Hunyo 12.

Nagbigay ng kanyang pambungad na pananalita si Dr. Adelina Cruzada, punongguro ng paaralan na ibinigay ang kahalagahan ng nasabing seremonya.

Layunin nitong maiparating sa mga mag-aaral na kahit luma na ang watawat ng Pilipinas ay hindi ito dapat na basta-basta lang itinatapon o sinusunog. Ibinigay ang maikling kasaysayan ng watawat ng Pilipinas at maging ang Flag Code na kung saan nakapaloob ang tamang mga gawain sa pagsinop at pagsusunog nito. 
Pagpapahalaga sa watawat, isinadula.
Nagkaroon ng pagsasadula sa mga pagsasagawa, mula sa tamang pagtupi ng watawat hanggang sa pagdala ni Inang Bayan sa isang hukay na siyang magsisilbing libingan nito. Kinailangan muna itong sunugin sa isang banga hanggang maging abo na siya namang ilalagay sa hukay at tatabunan.

Sa huling bahagi ng seremonya, inawit ng mga mag-aaral ang mga awiting ‘Ang Bayan Ko’ at ‘Pilipinas kong Mahal’ na nagsilbing pagninilay-nilay sa isinagawang seremonyas.

Ito ay laging ginagawa ng iba’t ibang paaralan tuwing sumasapit ang National Flags day bilang paggalang at pagpapahalaga sa watawat kahit ito ay luma na. (Margerie Lasic)

Saturday, November 8, 2008

Umalohokan TP 2008-2009 Pahina 2

Duran, pumang-anim sa tagisan ng talino


Nakuha ni Ma. Theresa Duran, ang pang-anim na pwesto sa Tagisan ng Talino na isinagawa sa San Jose National High School, Set. 2.

Ang nasabing Tagisan ng Talino ay dinaluhan ng 17 paaralan sa lungsod ng Antipolo na may kabuuang kalahok na 68 mag-aaral na mula sa unang taon hanggang ikaapat na taon.

Ito ay nahati sa tatlong kategorya, una ang Quiz Bee na kung saan ay pipili ng 15 mag-aaral na nakakuha ng matataas na iskor. 

Pangalawa ang Pagsulat ng Sanaysay na siya namang paglalabanan ng napiling 15 kalahok na hahantong sa walong mag-aaral na magpapakitang galing sa Dagliang Talumpatian.

“Wika mo, Wikang Filipino, Wika ng Buong Mundo, Mahalaga”, ang naging paksa ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Mapalad na nakasama si Duran top 15 kung saan sasabak sila sa pagsulat ng sanaysay tungkol sa paksa.

“Napaghandaan ko ang pagsulat ng sanaysay ngunit kinakabahan ako sa pagtatalumpati kasi nabubulol ako.” wika ni Duran matapos matawag sa walong matitira upang maglaban sa Dagliang talumpatian.

Sa 68 mag-aaral na kalahok ay mapalad na nasungkit ni Duran ang ikaanim na puwesto na tumanggap ng consolation prize at sertipiko. Hindi magiging posible ito kung wala ang kanyang gurong tagapagsanay na si Gng. Gemma Mancilla.

Sina Maechelei Subiera (I-1), Aileen Namalata (II-1) at Elizabeth Mae Duran (III-1) ang iba pang naging kinatawan ng paaralan para sa nasabing Tagisan ng Talino katuwang ang mga guro sa Filipino sa pangunguna ni Gng. Marvilyn Mixto, Tagapangulo, Gng. Aida Carambas, Gng. Naty Cruz, Gng. Tess Galvez at Bb. Acallar. (Stella May Leona & Mark Lester Lim)

Kaalaman sa droga, tinalakay

Tinalakay sa Anti-Drug Symposium ang epekto ng droga sa kabataan, Okt. 15.

Ito ay proyekto ng Interact Club ng Mambugan National High School sa tulong ng Rotary Club of Rizal Centro at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Layon ng proyektong ito na ipabatid hindi lamang sa mga mag-aaral kundi pati na rin sa mga magulang ang masamang dulot ng ipinagbabawal na gamot.

Naging panauhing pandangal naman ng nasabing programa si G. Alex Magno (Pangalawang Pangulo ng RCRC) at G. Albert Untalan (Service and Project Director).

Nagbigay silang pareho ng kanilang mga pananalita na iisa lamang ang layon. Iyon ay ang makatulong sa pag-unlad ng Mambugan National High School.

Inimbitahan naman sa programang ito ang kinatawan ng PDEA na si Gng. Angelica Adaliga. Kanyang tinalakay ang mga isyu na kinasasangkutan ng ipinagbabawal na droga.

Tinalakay rin dito ang pinagmulan ng droga at kung anu-anong pang klase ng gamot na nakakasira sa tao.

Nagbigay pa ng mga halimbawa si Gng. Adaliga ng mga sikat na taong nasangkot sa paggamit ng droga.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang paggamit ng droga ang makasisira sa isang tao.Binanggit niya ang paninigarilyo at pag-inom ng alak bilang isa sa mga mapanganib na bisyo na maaaring ikamatay ng tao.

Sinabi niya rin ang mga karampatang parusa na maaaring ipataw sa sinumang lumabag sa batas ng paggamit ng droga na nakasaad sa Dangerous Drug Acts of 2002 o R.A. 6425.

Matapos ang kanyang panayam, nagpaunlak siya ng Open Forum para sa mga mag-aaral at magulang na may katanungan.

Nagkatuwaan naman ang lahat sa ibinigay na pa-premyo ng mga Rotarians sa pamamagitan ng mga tanong na may kinalaman sa itinuro ni Gng. Adaliga. Nanalo ang mga estudyanteng nakasagot ng mga katanungan.

Bago pa man nangyari ang lahat ng ito sinalubong ni G. Esteban Casauay(OIC) ang mga panauhin sa Programa.

Nagbigay naman ang mga piling mag-aaral sa ikatlong taon ng isang sayaw na may interpresyon sa awit na “Nilamon ng Sistema,” na tumatalakay sa iba’t ibang problema ng lipunan partikular na ang droga.

Naging guro ng palatuntunan sina Jennefer Fuentes(Presidente ng IAC) at Garri Kim Vallega (Bise-Presidente ng IAC).

Katuwang ng IAC si Gng. Liwayway Dawn de Real (Tagapayo ng IAC) sa pag-hahanda ng programa. (Jheraldine Barimbao)



Tulong Barya para sa Eskwela ‘Campaign’, inilunsad

‘Tulong Barya para sa Eskwela’ ang bagong inilunsad na kampanya ng Kagawaran ng Edukasyon na pinagtuunan ng pansin ng paaralan, Agosto 4.

Ang Tulong Barya para sa Eskwela ay Campaign No. 47 ng DepEd na naglalayon na panatilihin ang sirkulasyon ng barya sa ekonomiya.

Ipinabatid sa mga mag-aaral ang mga dahilan kung bakit nagkaroon ng kampanya ukol dito. Bilang pakikiisa sa gawaing ito ang bawat taon at pangkat ay magkakaroon ng ‘coin bank’ na siyang pag-iimpukan ng mga makokolektang barya.

Sa coin bank na ito, maaaring maghulog ng iba’t ibang halaga mula sa limang sentimo hanggang sampung piso.

Ang paaralang maka-kokolekta ng pinaka-maraming barya ang maka-tatanggap nang
nakalaang premyo o gantimpala.

Ayon kay Gng. Liwayway Dawn De Real Tagapayo ng Supreme Student Government, “ang bawat baryang makokolekta ay mapupunta sa pondo ng paaralan at pandagdag sa mga proyekto ng paaralan.’

“Ito ay nasa pangangalaga ng mga SSG officer at ako lamang ang sumusubaybay.” dagdag pa niya.

Ito ay matatapos bago magbakasyon sa Disyembre. Lahat ng maiipong pera ay ilalagay sa banko na nakapangalan sa SSG. Magkakaroon ng panapos na palatuntunan sa pagtatapos ng kampanyang ito.

Ang pamunuan ng SSG at si Gng. De Real ang nanguna sa programang ito. Binigyang suporta naman ito ni Dr. Adelina M. Cruzada, Punongguro. (Stella May Leona)

Anecito, Leona nanguna sa SPC



Nanguna sina Jessa Iwi Anecito at Stella May Leona sa School Press Conference na ginanap sa Mambugan National High School, Set. 20-21.

Nakuha ni Anecito, ang unang pwesto sa pagsulat sa Lathalain, pumangalawa sa pagsulat ng Editoryal at pangatlo sa pagsulat ng balita at isports.

Samantala naiuwi naman ni Leona ang unang pwesto sa pagsulat ng Editoryal, pumangalawa sa pagsulat ng lathalain at ikaapat na pwesto sa pagsulat ng isports.

Ilan pa sa mga nakakuha ng pwesto ay sina Jerry Ric Duero (III-1) unang pwesto at Robert Montabon (III-2) ang ikalawang pwesto sa Editoryal Cartooning.

Nakamit naman ni Hazel Bonifacio (IV-1) ikatlong pwesto sa pagsulat ng editoryal, Bongbong Bulan (IV-1) ikaapat na pwesto at Mergelyn Mercado (III-1) ikalimang pwesto.

Sa pagsulat ng lathalain, nakuha ni Joy Legazpi (IV-1) ikatlong pwesto, Gerald Brobio (IV-1) ikaapat na pwesto at Garri Kim Vallega (IV-1) ikalimang puwesto.

Nasungkit ni Alex Zaragoza (III-1) ang unang puwesto sa pagsulat ng balita, pumangalawa si Jomar Verbo (I-1) at ikaapat na puwesto si Jhoanna Paula Sarte (II-1).

Sa pagsulat ng balitang isports, inuwi ni Jessa Mae Cortez (III-1) ang unang puwesto sinundan ni Hazel Bonifacio (IV-1) at ikalimang pwesto si Leslie Demontar (IV-1).

Samantala, nakamit ni Hazel Bonifacio(IV-1) ang unang puwesto sa pag-uulo at pagwawasto ng balita, sinundan nina John Rey Castillo(IV-1) at Fredyrico Torres(III-1).

Sa photojournalism sina Bongbong Bulan(IV-1) at Arvidas Clyde Turingan (III-1) ang nagkamit ng una at ikalawang puwesto.

Sa “The Stentor”, nangunguna sina Ariel Alborte (IV-1), Jennefer Fuentes (IV-1), Angel Alemania (I-1), Elizabeth Mae Duran (III-1), Jocelyn Baccay (III-1), Mary Jane Dano (IV-1), Edelyn Kuan (IV-1), Gaylord Migue l(III-1) at Christian Paul Rafol (II-1) para sa Sports Writing, News Writing, Editorial Writing, Feature Writing, Copyreading and Headlining at Photojournalism.

Si Gng. Edna F. Agustin, Tagamasid sa Ingles ang naimbitahang maging tagapagsalita. Kasama din ng mga batang Mambugan ang Maximo L. Gatlabayan National High School sa pangunguna ng kanilang tagapayo na si Bb. Cristy Dimayuga.

Ang isinagawang School Press conference ay isang paghahanda sa Division School Press Conference. (Fredyrico Torres)




Friday, November 7, 2008

Umalohokan TP 2008-2009 Pahina 1



Ito ang mga katagang tanging binitawan ni Garri Kim Vallega(IV-1) nang siya ay tanungin matapos makuha ang ikaapat na pwesto sa Regional Super Science Quiz Bee Secondary Level, Science and Technology category kasama ng kanyang tagapayo na si G. Esteban Casauay sa Batanggas City Capitol,Okt. 17.

“Kapag ginusto mo talagang makamit ang isang bagay at talaga namang naghirap ka para makuha yun, talagang ibibigay yun ni Lord,” dagdag niya pa ng may halong ngiti sa mukha.

Labis naman ang tuwa ng kanyang tagapayong si G. Casauay,”Grabe talaga ang kaba ko habang lumalaban si Garri, Diyos ko! Talagang pray ako ng pray! Isang linggong Subsob sa Review si Garri kaya naman hindi nakakapagtakang maabot niya ang gan’ong pwesto.”

Dinaluhan ang patimpalak na ito ng 14 Dibisyon sa Region IV-A. Nakuha ng Laguna ang Unang Pwesto kaya sila ang magdadala ng Pangalan ng Rehiyon sa National Level.

Narating ni Vallega ang Regional matapos makuha ang unang pwesto sa Super Science Quiz Bee sa Division Super Science Quiz Bee. 

Nasungkit din niya ang Ikalawang pwesto sa Physics Quiz bee kung kaya nakasali siya Super Quiz Bee sapagkat lahat ng nagwagi sa iba’tibang taon mula Unang Pwesto hanggang ikatlong Pwesto ang makakasali dito.

“Matagal ko na talaga itong pinangarap, sa wakas! Nakuha ko na rin,” sabi niya pagkatapos ng kanyang laban.

Nakamit naman ni Laurence Christopher Bueno (II-1) at Romeo Ballon (III-1) ang ikalimang pwesto para sa Sci-dama Competition. Kasama nila ang kanilang Tagapayo na sina Gng. Doris de Leon at G. Ruben Dedomo.

Kasama naman sa mga kinatawan ng Mambugan sina Angel Alemania (I-1), Carlie Momongan (II-1) at Elizabeth Duran para sa Year Level Quiz Bee. Samantala kinatawan naman para sa Sci-Dama sina John Mico Brazil (I-1) at Ma. Therresa Duran (IV-1).

Kasama rin sina Ariel Alborte (IV-1), Jennefer Fuentes (IV-1), Stella Mae Leona (IV-1) para sa kanilang Investigatory Project na pinamagatang Urine Batt. 

Sina Margerie Lasic (II-1), Christian Rafol (II-1) at Rhodeliza Dollente (II-1) para sa kanilang proyekto na pinamagatang Cocowiki at sina Theresse Joy Juaniza (I-1), Hazel Peregrino (I-1), Jessa Iwi Anecito (I-1) at si Clauddete Iglesia (I-1) para sa kanilang proyekto na pinamagatang Papaya Leaves Extract Use to Cure Dengue Fever. (Jessa Iwi Anecito)


Buwan ng Nutrisyon
Alborte, Duran, wagi sa  magkaibang kategorya


Nagwagi sina Ariel Alborte (IV-I) at Ma. Theressa Duran (IV-I) sa magkaibang kategorya sa natapos na Division Nutrition Month Celebration na ginanap sa San Jose National High School, Hulyo 24. 

Nasungkit ni Alborte ang ikalawang pwesto sa Nutri-Quiz laban sa 13 kalahok mula sa iba’t ibang paaralan. Hindi lang iyon dagdag karangalan din sa kanya ang maging kauna-unahang nanalo sa Nutri-Quiz na nagmula sa District I-C. 

Sa kabilang banda, napagwagian naman ni Ma. Theressa Duran ang ikalawang puwesto para sa Cooking Category. Nagpanalo sa kanya ng kanyang mga niluto mula sa Malunggay. 

“Sa Wastong Nutrisyon ni Mommy, Siguradong Healthy si Baby” ito ang naging Tema ng buwan ng nutrisyon kung saan tumugma ang ginamit na sangkap ni Duran. 

Lumaban din ang mga piling mag-aaral ng IV-1 para sa Nutrijingle at si Jerry Ric Duero (III-I) para sa Poster-Slogan Making. 

Kasama ng mga mag-aaral ang mga guro ng TLE sa pangunguna ni Gng. Margaret Velasco Tagapangulo. Sina G. Javanie Cutamora at Gng. Gemma Cruz naman ang mga naging tagapayo ng dalawang nagwagi. (Hazel Bonifacio/Stella Mae Leona)

DSPC 2008
Mambugan humakot ng parangal

Humakot ng 14 na parangal ang Mambugan National High School sa Division School Press Conference na ginanap sa Juan Sumulong Elementary School, Set.22-24.

Mula sa Umalohokan, nakuha ni Robert Montabon (III-2) ang ikatlong pwesto at ikaanim na pwesto si Jerry Ric Duero (III-1) para sa Editoryal Cartooning.

Naiuwi naman ni Garri Kim Vallega (IV-1) ang ikalimang puwesto para sa Pagwawasto at Pag-uulo ng Balita. 

Nakamit naman ni Stella May Leona (IV-1) ang ikaanim na puwesto para sa pagsulat ng Editoryal.
Nakuha naman ni Arvidas Clyde Turingan (III-1) ang pang-11 pwesto sa photojournalism at nasungkit ni Fredyrico Torres (III-1) pang-12 para sa pagsulat ng balitang Isports.

Sa kabilang dako, tumanggap ng dalawang parangal si Ariel Alborte (IV-1) ng The Stentor. Ikalawang puwesto para sa Copyreading and Headlining at ikaanim na puwesto para naman sa News Writing.

Nakuha naman nina Ma. Theressa Duran (IV-1) ang ikaapat na puwesto at Jennefer Fuentes (IV-1) ang ikalimang puwesto para Feature Writing. 

Nakuha din ni Elizabeth Mae Duran (III-1) ang ikapitong puwesto sa Photojournalism at si Mary Jane Dano (IV-1) naman ang ika-12 puwesto sa Editorial Writing.

Nakamit naman ni Angel Alemania (I-1) ang ika-15 puwesto para sa Copyreading and Headlining at nakuha din ni Gaylord Miguel (III-1) ang ika-15 puwesto para sa Editorial Cartooning.

Sinubaybayan ang mga kalahok ng kanilang tagapayo na sina G. Esteban Casauay, Gng. Marvilyn Mixto at Bb. Morena Dela Cruz.

Sina Bb. Aurea Calica, Prof. Serge Ontuca, G. Jojo Mejia at G. Allan Allanigue naman ang mga naging hurado.

Makakasama sa RSPC ang mga pumasok sa ikapitong puwesto na gaganapin sa Batangas City sa darating na Disyembre. (Garri Kim Vallega, John Rey Castillo, Fredyrico Torres)