Maikling Kuwento
source from the net forgot the site |
“ Wanted Teachers Abroad!”
Kanina pa nakaharap sa computer si Bb. Castillo. Hindi lamang sampung beses na kanyang inulit-ulit ang pagbabasa sa ad na iyun sa internet, sa WORKABROAD.COM.PH. Hindi maikakaila na intresado siya sa nasabing paanunsyo kung kayat pilit niyang kinuha ang lahat ng detalye mula sa address ng agency, mga kailangang papel sa pag-aaplay at kung anong araw siya puwedeng magsadya upang ipasa ang kanyang resume.
Pag ganitong bakante at wala siyang klase, iisang lugar lang ang kanyang tinatambayan. Lahat ng mga kasamahang guro niya ay alam na kung saan siya hahagilapin, sa computer lab ng kanilang eskwelahan.Hindi siya ang itinalagang computer teacher, subalit dahil sa hilig niyang mag- internet, mistula na siyang assistant ni G. De vera, ang IT teacher nila sa skul na iyun.
Malakas ang kabog sa kanyang dibdib. Hindi maipaliwanag ni Donna kung kaba o sobranfg excitement ang kanyang nadarama. Subalit kung ano man ito ay di na mahalaga dahil buo na ang kanyang desisyon, sa isip niya ay nakadungaw ang pag-asa. Ito na ang pagkakataong matagal na niyang hinihintay. Ang makapagturo sa Amerika at maiahon sa labis na paghihikahos ang kanyang pamilya.
Isa siyang pampublikong guro sa San Antonio National High School. Limang taon na siyang nagtuturo ng BIOLOGY sa paaralang iyun. Dalawamput pitong taong gulang na siya subalit hanggang ngayon siya ay nanananatiling dalaga pa rin. Paano siya kasi ang bumubuhay sa kanilang pamilya. Pitong taon nang paralisado ang na istrok niyang ama, Sa bahay lamang at di maasahan sa trabaho ang hikain niyang ina kayat sa kanyang mga balikat nakaatang ang bigat ng pasaning krus sa pag-papaparal sa tatlo pa niyang mga nakabababatang kapatid. Ramdam niya ang labis na hirap sa pagganap ng kanyang tungkulin bilang breadwinner ng pamilya. Ito rin ang dahilan kung bakit lahat ng mga nanliligaw niya ay hindi niya sinasagot dahil para sa kanya pamilya muna bago ang kanyang sarili.
Kinse mil, iyun ang gross compensation na nakasulat sa payslip ni Donna. Subalit sampung libo dun ang kinakaltas sa pagbababayad ng kanyang mga pinagkakautangan sa mga lending corporation. Limang libo lamang ang net pay na kanyang naiuuwi sa isang buwan, kung minsan ay kulang pang pambili sa gamot ng tatay niya, di pa kasama dun ang babayaran nila sa upa at kuryente sa bahay.
Sumilay ang kakaibang ngiti sa kanyang mga labi. Para kay Donna binuksan ng langit ang isang pinto ng kanyang mga pangarap. Isang dadaanang pinto upang matakasan niya at ng kanyang pamilya ang sobrang nararanasang hirap ng pamumuhay sa kasalukuyan. Buo ang kanyang loob at positibo ang kanyang nararamdaman, papasa at matatanggap siyang guro sa Amerika.
Tunay na isang magaling na guro si Donna Castillo, hindi kataka-taka na napasama siya sa unang batch ng mga gurong Pilipino na dadalhin sa Amerika upang doon magturo. Marami sa mga kasamahang guro niya ang nainggit sa kanyang kapalaran.Wika nga, siya ay tinamaan ng swerte. Bibihirang pagkakataon ang dumapo sa kanya at madaming guro sa Pilipinas ang handang lumaban maski ng patayan mabigyan lamang ng pagkakataonng makapagturo sa lugar na kung tawagin ay “LAND OF MILK AND HONEY’.
Dalawang taong kontrata, iyun ang pinirmahan ni Donna bago tumulak ng Amerika. Kung papalarin pagkatapos ng dalawang taong iyun pupuwede na siyang mag-aplay bilang residente ng Amerika at pag siya ay nabigyan ng green card ay puwede na niyang i-petisyon at kunin ang kanyang pamilya.
Ngunit swerte nga ba talaga? O sadyang laging kakambal ng suwerte ang kamalasan? Dalawang buwan pa lamang bilang guro sa Amerika ay gusto nang umuwi ni Donna. Bukod sa kanyang pangungulila ay di niya makayanan ang napakasamang pagtrato ng mga estudyanteng Amerikano sa kanya.
“You idiot Filipina, You are an Allien! You have no place here in our country! You better go back to the Philippines!”
Walang magawa si Donna kundi ang mapahagulhol. Sobrang diskriminasyon ang kanyang nararanasan sa bagong paaralang kanyang pinagtuturuan ngayon. Hindi guro kundi isang alila at utusan ang trato sa kanya ng mga estudyante niyang puti. Hindi niya kayang supilin ang sobrang pagiging wild ng mga bago niyang mag-aaral. Kahit siya ay sumigaw at humiyaw sa sobrang galit ay hindi siya pinakikinggan at iniintindi ng mga ito, na mistulang mga demonyong may buntot at sungay sa ulo.
Mala-impyerno ang limang buwang naging karanasan ni Donna sa kanyang pagtuturo sa Amerika. Hindi na niya kaya. Walang nabago sa bastos at pangit na pakikitungo sa kanya ng mga estudyante niyang puti. Suko na siya. Hindi na siya tatagal. Bago pa siya bawian ng katinuan ay humiling na siyang pabalikin na lamang sa Pilipinas.
Daig pa niya ang tumama sa lotto ng payagan siyang bumalik ng bansa.Walang pagsidlan ang kanyang tuwa. Uuwi na siya ng Pilipinas! Babalik na siya sa bansang pinakamamahal! Hindi bale nang sabihin na bigo siya sa kanyang mga pangarap ang mahalaga makakapiling niyang muli ang pamilya na siyang itinuturing niyang tunay na kayamanan.
UUWI NA SI MA’AM! At meron siyang leksyon na natutunan. Ang kayamanan ay di sukatan ng kaligayahan. Ang mahalaga ay masaya ka kapiling ang iyong mga mahal sa buhay at ikaw ay kanilang iginagalang at pinapahalagahan… (Hannah Kim)
Suring Pampelikula
Nasa 'Pinas na sila!
I am Bettyful!
Isa na ito sa mga katagang alam na halos ng karamihan matapos na gumawa ng Pinoy bersyon ng Betty La Fea.
Kilala ang mga Pilipino sa pagkahilig sa mga soap opera kung kaya’t patok ang mga pagpasok ng iba’t ibang palabas mula sa ibang bansa.
Dati, telenobela lamang ang alam ng lahat ngayon may Koreanobela at Tsinobela na patok na patok sa panlasa ng mga Pinoy.
At dahil dito, nagkaroon na ng Pinoy bersyon ang ibang palabas na napanood na natin noon. Marami ang nagsasabing parang walang originality ang maga ito o kaya naman ay mga trying hard ang mga artistang gaganap dito.
Ngunit ng ito ay ipalabas marami din ang nanood o sumusubaybay sa mga pangyayari. May nag-aabang kung talaga nga bang ginaya lang basta ang mga ito.
Subalit kung susuriin, binigyan ng ito ng kakaibang atake at nilagyan ng pagka-Pilipino. Nilagyan ng mga kaugalian natin.
Ilan sa mga sinubaybayan ng mga manonood ang Marimar, My Girl, Ako Si Kim Sam Soon at ngayon nga ang Betty La Fea.
Mga palabas na nagpaiyak, nagpatawa, nagpakilig, at nagbigay inspirasyon sa lahat, bata man o matanda, may ngipin o wala.
Malaki ang ikinatanyag ni Marian Rivera ng mapili siyang gumanap na Marimar. Marami ang humanga sa kanyang ganda gayundin sa kanyang pag-arte. Masasabing pinatunayan lang talaga niyang kayang pantayan si Thalia.
Sa My Girl, halos walang ipinagkaiba ang karakter ng dalawang bidang babae na ginampanan ni Kim Chui ngunit may mga nagsasabing masyado pang bata sina Kim at Gerald para sa role nito. Ganunpaman ay sinubaybayan pa rin ito.
Si Regine Velasquez naman ang napiling gumanap na Kim Sam Soon at bumagay naman sa kanya. Nabigyan ng ibang kulay ang buhay ni Kim Sam Soon.
Unang sinimulan sa Columbia ang Betty La Fea at nagkaroon na ng iba’t ibang bersyon, at ngayon ay lumipad na patungong ‘Pinas. Maraming nagsasabing bagay na bagay kay Bea Alonzo ang pagganap niya dito at ni John Lloyd Cruz na kamukha ng original na artista nito.
Ang pagkakaroon ng Pinoy bersyon ay hindi naman masama, ito lamang ay nagpapatunay na tayong mga Pilipino ay kayang tumanggap ng mga pagbabago.
Marahil, nais ding subukan maiba naman ang takbo ng mga panoorin dito sa ating bansa. At maaaring ito pa lang ang simula ng marami pang Pinoy bersyong ating mapapanood. (Rhodeliza Dollente)
Suring Panlipunan
Libreng ads, sa arm chair mo!
Can u be my txtmate... Psst ano no. mo…
Pamilyar ba ang mga salitang ito sayong pandinig.Oo mga salitang kadalasang makikita mo sa? Saan nga ba natin ito madalas makikita mo sa? Saan nga ba natin ito madalas nakikita ? Ah naaalala ko na,saan pa kung di sa upuan.
Pero sandali lang hindi lang iyan. Meron pa,isa rin sa kadalasang mariririnig mo ay, “Yuck kadiri, sino ba nagdikit ng bubble gum na ito. Kadiri talaga.Nakakatawa talagang isipin na ang simpleng upuan ay marami pa lang laman. Isang simpleng upuan na puno ng sulat,bubble gum,nakaipit na love letter na kung minsan pa’y nakadikit sa ilalim.Hay! tayo talagang kabataan,hindi malaman ang takbo at laman ng isipan.
Nakakatawang isipin,nakakakilig na sa simpleng upuan may nagiging magkasintahan. Ngunit ano nga ba talaga ang totoong dahilan kung bakit nagsusulat at nagdidikit ng bubble gum si ate at si kuya? Ating isa-isahin ang mga kadahilanang nagtutulak na gawin ang karumal-dumal(hindi nga?) na gawaing ito.
Unang-una sa Listahan;makipagkilala, ang pagkakaroon ng bagong kaibigan(kaibigan nga ba ang hanap?) ay masayang gawain. Pangalawa ay ang pagpahayag ng nararamdaman, kapag si ate ay may crush, pero ibang oras ang klase niya sinusulat niya ang kanyang gustong sabihin(kakakilig naman). At ang pinaka-huli, dahil si kuya ay may sakit na KATAM, as in katamaran(bongga! pangmayaman ba yun?). Sino nga naman ang magnanais na lumabas pa at itapon ang bubble gum sa basurahan. Nakakatamad nga naman... e meron nga namang instant basurahan...ang upuan. Nakakatawang mga dahilan diba?pero iyan ang katotohanan.
Katotohanan na hindi na natin matatakasan. Ating palawakin ang mga dahilan kung bakit nagsusulat sa upuan ang ating mga friendship. Isa sa mga nakikita sa mga upuan ay ang salitang “I Love You Bhe! Mahal na mahal kita!” Oh diba bongga! Ang filings nga naman kahit saan nakakarating. Madalas sa atin ngayon, hindi na mahilig sa direktang papagpapahayag ng saloobin. Mahilig na tayo ngayon sa paraang masasabi natin ng hindi agad-agad malalaman ng ating gustong paratingan. Ito nga ang isang paraan na iyon. Syempre nahihiya si Ate kay crush. Kaya idaan na lang natin sa upuuan. Upuaan na lang ang magsasabi ng kanya-kanyang nararamdaman. O diba nga naman... masyado na tayong maparaan.
Doon naman tayo sa kadiring bubble gum. Hoy Kuya! Kadiri kaya yun no... Itigil na! tama na!
e kung mukha mo kaya ang didikitan ng Bubble gum? Masaya ka kaya? hay, bawal po ang tatamad-tamad magtapon sa basurahan!
At patikim pa lang yan...hindi lang sa mga upuan iyan madalas mangyari. Nangyayari rin ang mga ganitong eksena sa dingding ng mga C.R.. Nariyan ang pagsulat ng mga nakakakilig na I Love You. At hindi lang yan mga friends, kapag may kaaway si kuya... ay! bonggang-bongga ang ding-ding sa daming banta.
Nakakatawa talaga... HAHAHA(ang plastik).
Pero kung ating susuriin, ito rin ay isang paraan ng komunikasyon, kung walang load ang cellphone mo... o diba? nakatipid ka pa.
Iba-iba man ang nais iparating, iisa lang ang layunin. Walang iba kundi ang mailabas ang saloobin sa isang tao o sa lahat man.
Iisang layunin ngunit iba-iba ang paraan ng pagpaparating.
Normal lang ang pagpapahayag ng damdamin... ilabas mo na yan, sige ka, baka sumabog yan... Mabaho pa! (hahaha) (John Rey Castillo)
Tula
Ulan
Fredyrico Torres
Mga sampung taon ang nakararaan,
At naalala ko pa noong aking kamusmusan,
Na ako dati’y maraming kinatatakutan,
Lalung-lalo na ang malakas na ulan.
Ayokong marinig ang kulog na nakagugulat,
Ayokong marinig ang mabangis na kidlat,
Kapag ang hangin ay nagsimula ng humampas,
Ako’y nananalangin na ito na ay umalpas.
Sa bawat pagpatak ng tubig mula sa itaas,
Ako’y pinagbabawalang maglaro sa labas,
Dito lang daw ako sa loob at magpainit ,
Para ng sa gayon ay hindi ako magkasakit.
Mga sampung taon na rin ang nakararaan,
Wala pa ring pinagbago ang noong aking kamusmusan,
Hanggang ngayon ako’y duwag at maraming kinatatakutan,
Walang pag-asa na ang nakaraa’y kalimutan.
Ngunit sa pagdaan ng panahon,
Ako’y unti-unti na ring umahon,
Sa putikang aking kinasadlakan
Ngayon, ako ay lalaban.
Nasaan na ang kulog na nakugugulat?
Nais kong makita ang mabangis na kidlat,
Sana ang hangin ay magsimula humampas,
At patutunayan ko ang aking lakas.